DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT NG PANGINOON SA LANGIT K
PAALAM AT PANGAKO
LK 24: 46-53
MENSAHE
Ang hirap mamaalam hindi ba? Nasaksihan na natin ang mahihigpit na yakap sa airport, ang mga atungal ng bata kapag umaalis ang magulang, ang malungkot na katahimikan sa isang libing.
Nagdiriwang tayo ngayon ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon, na walang iba kundi ang kanyang pamamaalam sa mga alagad. Hindi na nila siya makikita sa pisikal na anyo – ang kanyang maamong mukha, banayad na haplos, matamis na ngiti, maawaing mga mata. Nakadudurog siguro ng puso ang karanasan ng mga alagad nang lumisan ang Panginoon, kahit pa alam nilang sa langit naman ang kanyang destinasyon! Pero sandali, bakit ang sabi ng Mabuting Balita ay napuno ang mga ito ng “malaking kagalakan?”
Ito ay dahil nakita nila kay Hesus ang mga pangako ng Diyos ay natupad na. Ang pinarusahan at pinagtawanan ay nakabawi na. Ang ipinako at pinatay ay muling nabuhay. Ang nabiktima ngayon ay nagtagumpay. Ang batong tinanggihan ang siya ngayong batong panulukan. At bago siya umakyat sa Ama, may Pangako muli ang Panginoong Hesus, Pangako mula sa Ama – darating ang Espiritu Santo at mananahan sa puso ng mga alagad.
Ang Pag-akyat sa langit, sa halip na maging sandali ng pagluluksa, ay naging panahon ng pag-asang nanariwa. Kay Hesus, ang mga pag-asa ay natupad. Kay Hesus, may bagong pangako, may bagong pag-asang ibinigay. Muli may kakapitan, may pagsisikapan, may aasahan. Ang pamamaalam ay hindi pagkawala kundi mahiwaga at makapangyarihang pananatili pala. Hindi malayo ang Ama. Hindi maglalaho ang Anak. Sa Espiritu, ang Diyos ay laging narito – sa ating puso, sa ating buhay, sa ating pag-asa!
MAGNILAY
May mga panahong pakiramdam natin ay iniwan tayo o pinabayaan ng kapwa at maging ng Diyos, di ba? At nararamdaman natin ang pangungulila. Alalahanin ang pangako ng Panginoon: “Kasama ninyo ako sa lahat ng sandali.” Kumapit sa pangakong ito. Siya ang pag-asang hindi mabibigo! At tulad ng mga alagad, mapupuno ka ng galak!