IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
PAPASUKIN ANG PANGINOON!
LK 10:38-42
MENSAHE
Nakapagtataka kung ano ang nangyari sa ating “hospitality.” Palasak ngayon na bantog ang ilang bansa sa Asya, sa Africa, at sa South America sa kanilang hospitality. Dati-rati, walang makatatalo sa Pinoy sa ganitong kaugalian. Subalit sa paglipas ng panahon, sa gitna ng kahirapan, modernong pananaw, at secular na pag-iisip, tila napalitan ang ating hospitality ng pagsasawalang-bahala, pag-iingat, at pagdududa sa mga banyaga at dayuhan.
Ipinagkakatiwala ng mga pagbasa sa atin ang espirituwal na halaga ng pagtanggap sa kapwa na may pagmamahal at paggalang. Magiliw si Abraham sa kanyang mga panauhin na pakiwari niya ay mga mensahero ng Diyos. Sa kalaunang mga pagninilay, pinagtibay na ang tatlong bisitang ito ay kumakatawan sa Santissima Trinidad na dumating upang basbasan ang kanilang tahanan.
Sa Mabuting Balita naman, mababanaag kay Hesus ang saya sa maalab na atensyong ipinakita ng magkapatid na Marta at Maria. Kapwa nila tinanggap ang Panginoon, kahit pa magkaiba ang pamamaraan – si Maria sa tahimik na pakikinig at si Marta sa aligagang pagluluto. Binigyang-diin ng Panginoon na sa kanyang pagdating, minahalaga niya higit ang bukas na pagtanggap ng puso kaysa masarap na pagtanggap sa kusina.
Nagpamana si San Benito ng isang mahalagang gawi sa mga monghe niya. Dapat nilang salubungin ang sinumang dayuhan sa kanilang pintuan na tila ba ito ay mismong si Kristo. Sa pagbubukas ng pinto ng monasteryo, tunay nilang masusumpungan ang Diyos sa katauhan ng dukha, gutom, pagod, at nagiginaw na kapwa-tao. At ang pagtanggap sa Diyos sa ganitong paraan ay ang maging pinagpala tulad nina Abraham at Sara sa kanilang mga pangarap, at tulad nina Marta at Maria, na pinagkalooban ng pakikipagkaibigang mabathala.
MAGNILAY
Gaano kabukas ang puso mo sa kapwa-tao? Nakalaan lang ba ito sa mga kaibigan at kakilala mo? May puwang kaya diyan para sa “dayuhan” na nangangailangan ng iyong panahon at presensya, ng iyong pasensya at pagkalinga?