Home » Blog » IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

MINAMASDAN KA NIYA

LK 12: 32-48

MENSAHE

Isang manager ng tindahan ang nagtangkang malaman kung paano kumilos ang kanyang mga tauhan kapag wala siya sa tanggapan. Nag-report ang isang matapat na tauhan na ang iba ay maagang umuuwi, ang iba naman tumatambay sa labas. May isang nag-aanyaya ng mga bisita para magkasayahan. Aha, masaya talaga sila kapag wala ang boss!

Inilalarawan ng Panginoong Hesukristo ang ugali ng mga tao kapag tingin nila ay walang nagmamasid, nagmamatyag o nagbabantay sa kanila. Nagiging maluwag, nagiging pabaya, nagiging tamad ang mga tao. Kapag hindi inaasahang babalik ang amo, nagpapanggap na amo ang mga tauhan.  Noong panahon ni Hesus, sayang at wala pang cctc; ngayon mas madali na iyang mabuking ang gawa ng mga daga kapag malayo ang pusa.

Madalas nating makalimutan ang isang bagay; na tayo ay pinanonood; na tayo ay tinitingnan, na tayo ay minamatyagan. Sa buong maghapon, nakikita at naririniga tayo ng Diyos. Hindi bilang isang mapagduda at mapanghusgang amo. Tulad ng sinasabi sa Ignatian prayer, ipinapaalala sa ating minamasdan tayo ng Diyos na may pagmamahal. Nakatingin siya sa atin bilang amang puno ng pagmamahal at pagkalinga.

Nakikita ng Panginoong Diyos ang bawat kusang loob nating kilos. At gayundin sa bawat salita kahit na pabulong. Batid niiya ang tahimik na pinagpaplanuhan ng isip. At maging ang mga lihim ng puso, lahat iyan ay hayag sa Panginoon. Bakit kaya? Dahil tayo ay mahalaga, tayo ay may pitak sa puso ng Diyos. Kaya sa isang nakatutuwa at positibong paraan, tandaan nating pinanonood tayo, minamahal, pinupuno ng awa sa bawat sandali ng maghapon at magdamag. Kaya sab inga sa Mabuting Balita, laging maging handa, hindi tulad ng mga alipin, kundi ng mga anak na naghihintay sa pag-uwi ng kanilang Ama, sa kanyang pagdating at pagdalaw.

MAGNILAY

Kung batid mong hindi ka nag-iisa, na may nagmamasid sa iyo, hindi upang usisain o husgahan ka, Kundi upang mahalin ka, paano mo isasabuhay ang bawat sandali ng buhay mo? Mayroon tayong kasama, may kapiling, sa lahat ng oras. Hahawak ka ba sa kanyang kamay at lalakad kasabay niya?