Home » Blog » IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

HINDI ANG PABORITO MONG MANGANGARAL

LK 12: 49-53

MENSAHE

Naguluhan ka ba nang slight sa nabasa o nadinig mong Mabuting Balita ngayon? Nagulat ka ba sa mga salita ng Panginoong Hesus? Nadismaya ka ba sa mensahe nito? Nagsalita ng Panginoon tungkol sa pagkakahiwalay, pagkakahati, pagtutunggalian; tila ang layo sa ating mga inaasahang marinig mula sa kanya.

Kung nagsalita siya tungkol sa kapayapaan, ang dali sanang maunawaan. Kung nangaral siya tungkol sa pag-ibig, lahat tiyak sasang-ayon. Kung tumutok siya sa pagkakaisa, walang papalag. Subalit pinili niyang magnilay sa mga masakit at masaklap na katotohanan, sa mga mahiwagang pangyayari sa buhay ng mga tapat at taimtim niyang mga tagasunod.

Nasa panahon tayo na ang mga tao ay sumusubaybay na sa mga paborito nilang mangangaral.  Bakit nga hindi? Panahon ngayon kung saan ang mga mangangaral, mga pari, mga pasto ng Salita ay nagiging mga celebrity, entertainer, at performer na. Subalit si Hesus, iba; ipinapakita niya ang kapangyarihan ng tunay na pagpapahayag. Hindi siya nagsasalita upang mang-akit kundi upang magturo; hindi magpayapa kundi kumurot ng budhi; hindi magtakip kundi maglahad ng katotohanan. Sa madaling salita, pinili ng Panginoon na mangaral ng katotohanan kahit pa masakit itong madinig at tanggapin.

At ito ang katotohanan: ang pagsunod kay Hesus ay mangangahulugan na hindi ka maiintindihan ng lahat; ang pagtupad sa kanyang mga utos ay ang pagkalas maging sa mga pinakamalapit sa atin; ang pagsasakatuparan ng kanyang salita ay ang pag-ani ng poot ng social media, ng opinyon ng masa, at ng mga mahilig mamulitika. Minsan, ang pagtalima kay Hesus ay nangangahulugan na maaari kang maglakad mag-isa…

MAGNILAY

Paano naapektuhan ng ugnayan mo kay Hesus ang iyong paraan ng pag-iisip, pagkilos, at pagsasalita? Anong mga sakripisyo ang naging dapat mong gawin nang magpasya kang maging mas tapat sa kanyang mga salita?