Home » Blog » IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

MGA TANDA NG KABABAANG-LOOB

Lk 14: 7-14

MENSAHE

Nag-message ang isang estudyante sa kanyang guro: Dakilang ginoo, darating po ako sa opisina ninyo ngayon. Tugon ng guro: Ikaw ang higit na dakila; ako na guro, ay laging laan para paglingkuran kayo.

Sinisinagan ng Panginoong Hesus ngayon ang madalang tahakin na landas ng kababaang-loob. Una, paanyaya niyang manuot ang kapakumbabaan sa ating mga isip, ugali, at pangangatuwiran. Maaaring magmistulang mababang-loob ang isang tao, kahit na sa panloob niya, tunay na pakiramdam niya ay higit siya sa katalinuhan, kagalingan o kalamangan sa iba. Dito nagsisimula ang pananaw na “may K” ako; may “karapatan,” na higit sa iba; isang problemang sumisira ngayon ng maraming mga ugnayan. Ang mag-isip na mababaang-loob ay ang ipantay ang sarili sa kapwa o hangarin na maging lingkod ng kapwa, upang mawalan ng puwang ang pagiging makasarili.

Ikalawa, itinuturo ng Panginoon ang isa pang pagpapamalas ng pusong mapagpakumbaba: anyayahan ang mga dukha, pilay, at lumpo, at mga bulag. Ano ang kahulugan nito? Isa itong atas na tumawid sa kabila ng kalsada at makisalamuha sa mga taong nasa laylayan o gilid ng lipunan. Ang kababaang-loob ay hindi lamang damdamin ng puso, kundi ugali na isinasabuhay sa pakikiisa sa kapwa. Tulad ni Hesus, kailangan nating maging bukas sa ugnayan sa mga taong kaunti ang kayamanan at tambak ang kahirapan, sa mga taong kaunti ang pagkilala at tambak ang kahihiyang dinadanas sa mundong ito. Tayo ay bahagi ng buhay nila at sila naman ay bahagi ng ating buhay.

MAGNILAY

Ngayong linggong ito, hilingin natin ang biyaya na pagsikapang maging mababang-loob tulad ng Panginoon. Panginoong Hesus, turuan mo po kaming maging tulad mo. Hipuin mo ang aming isip upang matanto na kasing liit kami ng pinakamaliit sa iyong mga kapatid; buksan mo po ang aming puso upang ibahagi ang aming buhay sa mga naghihintay ng tulong, pang-unawa, at pagmamahal. Amen.