Home » Blog » IKA-24 NA LINGGO K/ PAGTATANGHAL SA BANAL NA KRUS

IKA-24 NA LINGGO K/ PAGTATANGHAL SA BANAL NA KRUS

ANG HAMON NG KRUS

JN 3: 13-17

MENSAHE

Ang Tanda ng Krus ay bahagi ng mga sandali ng ating buhay. Gamit natin ito sa pagdadasal, pagkukumpisal, at pagbabasbas; tinatanggap natin ito mula sa ating binyag hanggang sa ating huling hantungan. Nilinaw ng Panginoong Hesukristo na kung walang pagpapasan ng krus, hindi tayo maaaring maging alagad niya.

Ang krus na gamit sa panalangin ay isa ding katotohanang nagaganap sa ating buhay. Nangyayari ito kapag hinaharap natin ang mga krus ng karamdaman, problema, at paghihirap, personal man o pang-lipunan. Walang makaliligtas sa anino ng krus. At sa tuwing dadaan tayo sa pagsubok, tumitingala tayo sa Krus ni Hesus upang humugot ng ginhawa at inspirasyon tulad ng mga Israelitang tumitig sa ahas na tanso ni Moises sa disyerto. Ang Krus ni Hesus ang mabisang tanda ng pagmamahal ng Diyos sa atin na kanyang pinagkalooban ng kanyang Kaisa-isang Anak para sa kaligtasan, paghilom, at kalayaan.

Alam ba ninyong para sa ibang tao, ang krus ay hindi lang isang hamon sa tahanan, paaralan, o trabaho? Sa maraming bahagi ng mundo, may mga tagasunod ni Hesus na dapat kumapit sa krus, ipagtanggol ang krus, at mamatay pa nga dahil sa krus. Sila ang mga Kristiyano, Katoliko o Protestante, sa Nigeria, Nicaragua, Syria, at marami pang lugar na pinag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya kay Kristo, dahil sa kanilang pagyakap sa krus. Maging sa kamay ng mga Muslim, mga marahas na gobyerno, o mga baluktot na prinsipyo, ang mga kapatid natin ay nagdurusa bilang mga martir sa kanilang pananampalataya kay Hesus at sa kanyang simbahan.

Maraming beses na hinahamon ang pananampalataya natin ng mga pag-aalinlangan at tukso, ng pagpapasya kung magsisimba o hindi, o ng pagiging tapat na magmahal at maglingkod sa kapwa. Ang mga Kristiyanong pinag-uusig (persecuted Christians) naman ay humaharap ng hamon ng kamatayan, pagpapalayas, pananakit, pagkakulong o pagka-alipin dahil sa pagtanggi na talikuran ang pananampalataya nila kay Kristo. Kailangan nila ang ating suporta. Kailangan nila ang ating mga panalangin.

MAGNILAY

Ngayong linggong ito, hilingin natin ang biyaya na maging tapat sa Krus ng ating Panginoong Hesukristo. Alalahanin natin at ipagdasal ang mga Kristiyanong dumadanas ng karahasan at pagkapoot dahil sa pagyakap nila sa Krus sa kanilang mga puso. Alamin nawa natin ang kanilang situwasyon at humugot ng inspirasyon sa matatag nilang pagkapit sa Krus ni Kristo.