Home » Blog » IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

SINO PA ANG PAGTITIWALAAN?

LK 16: 1-13

MENSAHE

Tila magandang ideya ang magsabit ng karatula sa kalsada: “Wanted: Taong Mapagkakatiwalaan.” Ito ang kailangang-kailangan ng mundo natin ngayon.

Nabatid ko kamakailan ang tungkol sa isang kasunduan ng dalawang tao. Ang tindero ay duda sa mamimili dahil usung-uso ngayon ang dayaan sa bentahan. Ang mamimili din ay may suspetsa sa tindero dahil marami talagang scammer ngayon. Sa ekonomiya man, pulitika, edukasyon, at maging sa relihyon, ang daming peke, huwad, sinungaling, tiwali; kaya kailangan ang mapagkakatiwalaang tao ngayon.

Ito ang isinisigaw ng Mabuting Balita ngayon. Sino ba ang taong mapagkakatiwalaan ayon sa kaisipan ng Panginoong Hesukristo? Ito ay ang taong matapat, may pananagutan sa maliit o malaking bagay, ang masigasig, ang maaasahang maglingkod mula sa puso.

At si Hesus ang “tunay na mapagkakatiwalaan!” Ayon sa Sulat sa mg Ebreo, siya ang Dakilang Punong Pari dahil napatunayang karapat-dapat siya sa tiwala. Masigasig at matapat siyang naglingkod sa Ama, sumunod at nag-alay ng lahat-lahat sa kanya. Matapat din niyang minahal ang sangkatauhan, tayong lahat na mga kapatid niya na dinulutan niya ng kaligtasan hanggang sa huling patak ng kanyang dugo.

MAGNILAY

Ang Mabuting Balita ngayon ay pagkakataon para sa pagsusuri ng sarili. Tayo kaya, mapagkakatiwalaan din? Tingnan mo nga kung papasa ka sa mga hinahanap na katangian ng Panginoon ngayon – pagiging matapat, masigasig, mapanagutan, at maaasahan. Nasasaiyo ba ang mga kabutihang-taglay na ito? “Panginoon, habang naghahanap kami ng taong mapagkakatiwalaan, sana sa aming buhay maging ganito din kami sa harapan mo at sa mata ng aming kapwa.” Amen.