Home » Blog » IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

KILALANIN ANG WALANG PAKI

LK 16, 19-31

MENSAHE

Madalas kong marinig na pinupuri ngayon ang isang ugali, pananaw o kaisipan na tinatawag na “nonchalance.” Alam kong kahulugan nito ay hindi apektado, hindi natitigatig, hindi nababahala – sa madaling salita, walang pakialam (walang paki). Ang walang paki ay nabubuhay sa sarili niyang mundo, hiwalay at tago sa marami. Pero Magandang ugali bai ito?

Binabatikos ni propeta Amos sa unang pagbasa at ng Panginoong Hesukristo sa mabuting balita ang mga tao hindi dahil sila ay mayaman. Sinisiyasat nila ang buhay ng mga walang paki na inilayo ang sarili sa pangangailangan, pagdurusa, at suliranin na dinadanas ng karaniwang kapwa nila.

Maaaring ang pagiging walang paki ay pagtatagumpay laban sa mga pressure ng mundo ngayon, subalit hindi ito ugaling nakaugat kay Hesus at sa kanyang Ama. Alam nating ang Diyos, ay natitigatig sa daing at iyak ng mga dukha. At niyakap ng Panginoong Hesus ang pawis at luha ng kanyang mga kapatid. Ang puso ng Diyos, ay hindi sarado kundi lantad at bukas sa mga matitinding pagsubok ng kanyang mga anak.

Ang bagong santo na si Pier Giorgio Frassati, bagamat anak ng isang ambassador, ay madalas umuwi na walang sariling jacket o sapatos. Ipinamigay niya kasi ang mga ito sa nanginginig sag inaw o sa nakayapak na taong nakasalamuha niya sa lansangan. Tunay niyang tinularan ang landas ni Hesus na bumaba sa trono ng langit at umakyat sa kahoy ng krus upang makibahagi sa karanasan ng nagdurusa, nagkakasala, at naghihirap na sangkatauhan. Nais ng Panginoon na iwaksi natin ang pagiging walang paki, ang nonchalance, at makipagsapalaran sa pakikisalamuha at pakikiramay sa kapwa.

MAGNILAY

Panahon na ulit para suriin ang puso. Napapansin mo ba ang paghihirap ng mga taong nakakasalamuha mo? O nagpapanggap ka bang hindi mo sila nakikita? Tinutularan mo ba ang puso ng Diyos, ang puso ni Hesus, na nagniningas sa pagmamahal at pagmamalasakit sa naghihirap na kapwa?