Home » Blog » IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

MANALANGIN AT MAGPAKABUTI

LIK 18: 1-8

MENSAHE

Mula sa puso at isip ng Panginoong Hesukristo, narito ngayon ang aral niya tungkol sa panalangin: mahalaga ang magdasal, ang laging manalangin. Habilin ni Hesus sa atin na ang panalangin ay hindi maiwawaglit kundi lubhang kailangan; dapat natin itong isagawa na walang panghihinawa, pagkabagot, o pagkatamad.

Depende sa kaisipan ng isang tao, ang utos na ito ay maaaring mahirap o madaling tanggapin. May mga taong likas ang hilig sa panalangin, mga taong mapagnilay, tahimik, at malalim ang pananampalataya. Mayroon namang tila hirap manalangin; mga praktikal, matabil, laging sagsag paroo’t parito, at tila mahina ang pananampalataya.

Subalit ang paanyaya ng Panginoon ay manalangin hindi bilang tungkulin o obligasyon, hindi dahil nakaugalian, at hindi dahil utos. Para sa kanya, ang panalangin ay nakahabi o nakatahi sa pangaraw-araw na buhay, tulad ng gulugod na nagbibigay ng lakas at katatagan. Dahil kaugnay ng buhay, hindi maaaring tumayong mag-isa ang panalangin. Kailangan ito ay kakambal ng kabutihan, paggalang sa kapwa, at katapatan.

Tulad ng hukom na nagpaunlak sa huli sa biyuda na nangungulit sa kanya, ang panalangin ay dapat magbunga ng kabutihan sa bandang huli. Ang panalangin, kahit na pansarili at personal, ay nagkakabunga lamang kung ipinapahayag ito sa panlabas na kilos at pagkatao. Ang panalangin ang dumidilig sa mabuting puso, at ang kabutihan naman ang nagpapahayag ng lalim at lakas ng panalangin.

MAGNILAY

Sa pagsunod kay Hesus, may mga pangunahing kailangan, at una dito ang panalangin at kabutihan sa kapwa. Masasabi mo bang taglay mo ang dalawang sangkap na ito ng pagsunod kay Kristo?