Home » Blog » PAGTATALAGA SA BASILIKA NG LATERANO/ IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

PAGTATALAGA SA BASILIKA NG LATERANO/ IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

SI HESUS AT ANG TEMPLO

JN 2 13-22

MENSAHE

Sa pagbabasa ng Mabuting Balita, mapapansin natin kung gaano kahalaga sa Panginoong Hesus ang Templo. Matapos ang kanyang pagsilang, inialay siya sa Templo ng kanyang inang si Maria at ama-amahang si Jose. Paglaki niya, nagpaiwan siya sa Templo matapos ang isang paglalakbay doon. At nang matagpuan siya ng kanyang mga magulang sa piling ng mga guro, ipinahayag ng Panginoon na panatag siya sa Templo dahil ito ang tahanan ng kanyang Ama. Sa kanyang pangangaral, madalas magpahayag si Hesus sa palibot ng Templo kung saan dinudumog siya ng mga tao.

Sa Mabuting Balita ngayon, ipinagtanggol ng Panginoon ang kabanalan ng Templo laban sa pangangalakal ng mga nagtitinda at mga nagpapalit ng salapi sa banal na lugar na iyon. Tinatawag ang tagpong ito na “paglilinis” ng Templo at nagpapakita ng pagpapahalaga ni Hesus sa Templo ng Diyos.

Tulad ni Hesus at ng mga Hudyo, tayong mga Kristiyano din ay nakamana ng pagtingin sa mga banal na panahon, lugar, bagay at mga tao. Pinabanal ng Diyos ang panahon kung kaya dapat maglaan ng oras sa pagsamba at panalangin tulad halimbawa kung Linggo at sa mga natatanging sandali ng maghapon. Pinabanal ng Diyos ang mga lugar bilang tagpuan niya at ng kanyang bayan, kaya iginagalang natin ang mga simbahan, bisita, dambana at altar. Naniniwala tayong bagamat nasa lahat ng lugar ang Diyos, nananahan siya sa mga lugar na inialay sa kanya. Mula sa mga lugar na ito, dumadaloy ang biyaya.

Bilang mga Katoliko, may mga simbahang nakakaakit sa atin hindi lang dahil sa ganda nila kundi dahil sa espirituwal na kahulugan nito. Nagpupunta tayo sa Quiapo para sa Poong Nazareno o sa Baclaran para sa Ina ng Laging Saklolo. O kaya sa ating mga parokya, bisita, kapilya, o adoration chapel. Hindi ang gusali ang pakay natin kundi ang kaalaman na naroon ang Panginoon at nakikipagtagpo sa atin sa katahimikan, pag-iisa, at panalangin.

MANALANGIN

Patuloy tayong maging mulat sa kahalagahan ng mga banal na lugar at bagay, dahil mga tanda ito ng Banal na Presensya at Banal na Kapangyarihan ng Diyos lalo na sa mundong lulong sa materyalismo at sekularismo. Subalit tandaan din nating ang ating puso ang unang tahanan ni Hesus, at ang ating katawan ang Templo ng Espiritu Santo. Kahit malayo sa simbahan, maaari nating makaharap at makatagpo ang Panginoon sa ating kalooban.