Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI K

DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI K

ISANG MALAMBOT NA PUSO PARA SA BANAYAD NA HARI

LK 22: 35-43

MENSAHE

Ano ang alam natin sa mga huling sandali ng Panginoong Hesus sa daigdig? Hindi ito payapa, kung marahas. Hindi rin pahinga kundi katakut-takot na sakit sa katawan at dibdib. Hindi kaaya-aya kundi batbat ng paninirang-puri at batikos mula sa mga lider relihyoso, sundalo at maging sa isang nakapakong kriminal na katabi niya.

Sa bingit ng kamatayan, ang paalam sa Panginoong Hesus ay nagmula sa mga tagatuligsa, tagapanira, at tagapag-usig. Nasaan ang mga tagahanga, tagasuporta, at tagasunod niya? Pinakawalan ng mga kaaway ang pinakamabisa at mabangis na sandatang tutusok mismo sa puso – mapapait at marahas na salita. Pinatay ng mga sundalo si Hesus sa pamamagitan ng mga pako. Pinatay din siya ng mga kaaway niya sa tulong ng mga matutulis na dila. Kayhirap isipin! Kahit ngayon, ang daming namamatay araw-araw dahil sa mga matatalim na salitang lumulutang sa ating social media.

Subalit isang munting Liwanag! Kakaibang tono, mababang-loob, ang nadinig: “Marapat lang na ako’y mamatay, subalit ang isang ito ay walang nagawang kasalanan.” At matapos ang pagkamulat na ito, nasundan ng pagtitiwala: “Hesus, alalahanin mo ako kapag pumasok ka na sa iyong kaharian.” Sa gitna mga marahas na tinig, ito ang siyang tanging naalala ng Panginoon sa oras ng pagpanaw niya kaya sumagot siya: “Ngayon isasama kita sa Paraiso.”

Kaninong tinig ang nagdala kay Hesus na panatag at payapa sa kanyang huling sandali? Tinig ng isang kriminal, ng taong bantad sa karahasan at kalupitan ng buhay. At nang mapako siya sa tabi ng Panginoon, lumambot ang puso niya sa pagsaksi sa isang nagdurusang Diyos, mapagmahal na Diyos, at matapat na Diyos. Natagpuan niya ang kanyang Hari! Binigyan ng kriminal na ito ng inspirasyon si Hesus. Tinumbasan ito ni Hesus ng kapatawaran, kalayaan, at bago at walang hanggang buhay. Isang malambot na puso ang nakatagpo banayad at Mahal na Puso ng ating Diyos at Hari!

MAGNILAY

Sa kapistahan ng Kristong Hari, tigilan na ang pagsali sa karahasan ng mga salita. Aminin natin ang ating bahagi sa paghihirap at sakit na dinadanas ng iba dahil sa mga salitang binitiwan natin. Maging malambot nawa ang ating puso dahil kay Kristong nagmahal sa atin hanggang sa kamatayan sa Krus at maging banayad nawa ang ating mga salita upang magdala sa ating kapwa sa Paraiso!