Home » Blog » LINGGO NG PALASPAS A

LINGGO NG PALASPAS A

UMAWIT NG OSANA!

MT 21: 1-11

MENSAHE

Napansin mo na bang may mga salita sa pagsamba at panalangin natin sa hindi isinalin mula sa orihinal nitong wika? Ang mga salitang Amen, Aleliya, at Osana ay hindi Tagalog kundi Ebreo at ginagamit natin na walang pagsasalin sa ating pansarili man o pampamayanang panalangin sa simbahan.

Sa pagpasok nitong mga Mahal na Araw, nadinig natin sa Mabuting Balita na kumuha ng mga sanga ng puno ang mga tao at iwinagayway sa dumadaang si Hesus na nakasakay sa asno, habang sumisigaw: Osana sa Anak ni David; mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon; Osana sa kaitaasan.”

Ang Osana ay nag-ugat sa isang sigaw, isang pagsamo, isang paghingi ng tulong. Nangangahulugan ito na: “Panginoon, dinggin mo ako!; tulungan mo ako!; iligtas mo ako!” Kaya sa pasimula ng Mahal na Araw, ulitin natin ang sinambit ng mga alagad ng Panginoon sa pagpasok niya sa Herusalem. Alam kaya nilang sa loob ng ilang araw, didinggin na ang kanilang panalangin at ililigtas na sila sa kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus sa Krus, at sa pagbibigay niya ng buong sarili, buong buhay para sa kanila, at para sa atin?

Maraming tradisyon, panata, at drama ng pananampalataya ang Mahal na Araw. May mga nagdiriwang nito bunsod ng kaugalian, ng tradisyon, o ng pakikiusyoso lamang. Subalit makabuluhan siguro kung babalikan natin ang tagpo ng mga unang alagad na nakita kay Hesus ang mukha ng Diyos na nagliligtas, Diyos na dumidinig ng panalangin, Diyos na dumarating upang magligtas sa kasamaan at kasalanan. Ang sigaw nila: Osana: Panginoon, pakinggan at iligtas mo po kami! Isinapuso nila ang salitang ito.

Sasariwain natin ang mga naganap sa nakalipas at maglalakbay din tayo kasama si Hesus ngayon sa ating buhay habang dumadaan siya sa pasakit, kamatayan, at muling Pagkabuhay. Sasariwain din natin ang pinakadakilang pagmamahal na naranasan ng kasaysayan, nang ibigay ng Diyos ang sariling Anak na kayamanan ng kanyang puso, upang iligtas ang iba pa niyang mga anak sa pagkaligaw at kamatayan. Gabayan nawa tayo ng payak na salitang ito na malimit hindi natin pinapansin, ang OSANA, sa pagiging makabuluhan ng linggong ito ng panalangin, pagbabalik-loob, pagbabago, at pananampalataya.

MAGNILAY

Ngayong Mahal na Araw, matapat nating ulit-ulitin: Osana sa kaitaasan! Osana sa Anak ni David! Gamitin natin ang mga salitang ito bilang imno ng pagmamahal sa Diyos na dumarating, ng pasasalamat sa pagbibigay niya ng bagong buhay, at ng pagsamong biyayaan na manatili sa kanyang piling palagian. Panibaguhin nawa tayo ng linggong ito mula sa bayan ng OSANA tungo sa pamayanan ng ALELUYA sa darating na Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.