Home » Blog » IKA-14 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-14 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

PUSONG MAY-PAKIRAMDAM

MT 11: 25-30

MENSAHE

Ano ba ang katangian ng puso ng Diyos? Ngayon, mula kay Hesus mismo, narinig natin: “Ako ay maamo at mababang-loob.” Ang Makapangyarihang Diyos pala ay may pusong lipos ng pagkaawa, paglalambing, at pagkamalapit sa atin. Isa pang katangian ng puso niya ay ang pakikiramdam, pakikidama sa ating mga nasasaktan, naghihirap, at naguguluhan. Kaya sinabi ding ng Panginoon: “Lumapit kayong nabibigatan sa inyong mga pasanin at bibigyan ko kayo ng kapahingahan.”

Hindi ba napakasarap marinig ito ngayon? Ilan sa atin ang pisikal na nahihirapan sa trabaho upang kumite, sa sakit na binabata at tinitiis ng katawan, sa mga mapang-aping kondisyon na gawa ng ibang tao o ng lipunan? Marami din ang nasasaid na sa isip at damdamin dahil sa tambak na suliranin sa mga ugnayan, sa galit at inggit, at sa sunud-sunod na gusto sa bahay, trabaho, o pamayanan.

At lumalago din ang bilang ng mga taong espirituwal ang paghihirap dahil sa kawalan ng koneksyon sa pananampalataya, o gumuho ang pangarap at kabuluhan ng buhay, o kaya nawalan na ng pag-asa sa kinabukasan. Tunay nga, marami sa atin ang may mabibigat na pasanin sa katawan, isip, at kaluluwa habang patuloy na nakikipagbuno sa pangaraw-araw na buhay.

Isang malaking kagalakan na sa gitna ng lahat ng ito, ang puso ng Panginoon ay nakikiramdam, nakikidama, nakikidamay sa atin. Tinitiyak niya na kung lalapit tayo sa kanya at ipagkakatiwala ang ating mga pasanin sa kanya, magiging magaan ang ating bitbit at pasanin. Bakit? Dahil ang makikibahagi siya sa pagpasan, makikilakbay siya sa bawat hakbang, sasamahan tayo at hindi iiwanan.

MAGNILAY

Kung ang mensaheng ito ay para sa iyo, magpasalamat sa pagmamahal at habag ng Diyos para sa iyo. Itaas sa kanya ang iyong mga alalahanin at pasakit. Hindi ka kailangang maglakbay na mag-isa. Subukan mo ang mapagmahal at nakikiramay na puso ng Diyos!