IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
HANGAD NG PUSO
MT 13: 44-52
MENSAHE
Hinihikayat tayo ng mga pagbasa na magtuon ng pansin sa hangad ng ating puso. Ang batang hari na si Solomon ay nagnais lamang ng isang maunawaing puso mula sa kamay ng Diyos. Ipinagkaloob sa kanya ang walang lirip na karunungan na hindi mapantayan ng sinumang pinuno ng Israel. Sa Mabuting Balita, inilalarawan ng Panginoong Hesukristo ang isang lalaking namuhuhan ng lahat para sa kayamanang nakabaon sa lupa na kanyang natuklasan. Binabanggit din niya ang isang mangangalakal na ipinagbili ang lahat upang makuha lamang ang mahalagang perlas na kanyang ninanais.
Ano ang hangad ng puso mo? Depende sa edad o katayuan o hanapbuhay, malamang gusto natin ay magandang kinabukasan, pag-ibig at ugnayan, kapangyarihan, katanyagan, o kalugud-lugod na buhay. May kahulugan ang buhay kung may pinagtutuunan ng puso; kung may sinisinta, pinapakay, o inaabot na pangarap. Sabi ng paring Heswita na si Fr. Arrupe: kung ano ang mahal mo, kung ano ang pumupuno sa iyong hinagap, iyan ang makaa-apekto sa lahat-lahat.
Isa lamang ang tibok ng puso ni Hesus: ang Kaharian ng Ama. Para dito siya nabuhay. Dahil dito siya namatay. Upang ipalaganap ito, buhay siya magpakaylanman. Ito ang buod ng kanyang mensahe, ang kanyang pangunahing gampanin. Pinakamalalim niyang nais na ipunla ang Kaharian ng Diyos sa puso ng lahat.
Bilang mga alagad ng Panginoon, tama ang na habulin natin ang mga maliit o malaking pakay natin sa buhay. Pinapayagan tayong mangarap at buuin ang mga pangarap. Subalit hinihingi sa ating ng Panginoong Hesukristo na isailalim lahat ng pangarap sa Kaharian g Ama upang gabayan niya tayo, tulungan niya tayo, at samahan niya tayo sa pagkakamit ng ating inaasam.
MAGNILAY
Ano ba talaga ang nais mo sa buhay? Tuwing magdadasal, inaanyayahan tayong hingin sa Diyos ang biyayang nais natin. Ialay natin sa kanya ang hangad ng ating puso at hilingin ang kanyang basbas upang ito ay dalisayin at iayon sa kanyang kalooban. At ang Kaharian niya ang tunay na magaganap at mananatili sa atin.