Home » Blog » IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

ANG KRUS NA KAILANGANG PASANIN

MT 16: 21-27

MENSAHE

Bawat isa ay may pagsubok na kinakaharap araw-araw. Ang iba ay palagian at pangmatagalan. May ibang may matinding paghihirap. Isang tao ang may problema sa pamilya habang ang isa naman ay may karamdamang iniinda. May sumusuong sa alalahanin sa pananalapi habang may ibang nahihirapan sa hanapbuhay. Mula sa sakit ng ngipin hanggang sa kirot ng puso… walang nakaliligtas sa hiwagang ito ng buhay.

Subalit hindi lahat ng pagdurusa ay isang krus. And krus ay paghihirap na niyayakap kasama ni Hesus. Ang krus ay karamdamang iniaalay sa Diyos. Ang krus ay suliraning itinataas sa Espiritu Santo.

Ang mga pangaraw-araw nating dalahin ay nagiging krus, nagiging sakripisyo, kung pinapasan kasama, at tulad ni Hesus. Hindi tinakasan ng Panginoon ang kanyang krus bagkus pinasan ito na may pagtanggap, tiyaga, at tiwala. Nanalig siyang ang nararanasan niya ay magdadala sa kanya sa puso ng Ama.

Anong paghihirap ang dinadanas mo ngayon? Huwag mo itong kayaning mag-isa. Huwag mo itong tiising mag-isa. Sa halip, pasanin ang iyong krus habang inaanyayahan ang Panginoong Hesus na makilakbay, at makisalo sa pagpapasan mo. Ipagkatiwala sa kanya ang mabigat na dalahin dahil nagmamalasakit siya. Bagamat hindi madaling unawain, sundan ang Panginoon sa landas ng mahiwagang pagdurusa na magdadala ng pagdalisay, liwanag, at kaligtasan. May mga walang kuwentang paghihirap na dapat nating sugpuin at iwasan. Subalit may mga personal na krus na dapat nating yakapin at pasanin para sa ating kabutihan.

MAGNILAY

Dalhin kay Hesus ang anumang alalahanin mo ngayon. Hilingin ang biyayang yakapin ang iyong krus, pasanin ito tulad niya, ialay ito sa kanya, at magtiwalang kasalo mo siya sa pagbabata.