Home » Blog » IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

KAPATID, KAPATID!

MT 18: 15-20

MENSAHE

Naibahagi sa akin ng isang babae na sobrang lapit daw nila ang kanyang kapatid na tuwing sasagi sa isip niya ang kanyang kapatid ay napapaluha siya. May lalaki namang nagkuwento ng hirap na dinadanas niya sa kanyang kapatid na masama ang loob sa kanya dahil sa matinding away na matagal nang naganap.

Sa unang pagbasa, hinihikayat tayo na magmalasakit sa ating mga kapamilya at magbabala sa kanila laban sa panganib. Inuulit sa atin ng Mabuting Balita ang mga salita ng Panginoong Hesukristo ukol sa pagtatama sa isang kapatid na nalihis ng landas. Subalit, ganoon nga ba kadali na ituwid ang kapamilya o kamag-anak? Minsan mas madali itong gawin sa isang hindi mo kadugo, di ba?

Ang pamilya ay pinakamatatag na suporta at inspirasyon sa buhay. Subalit maaari din itong maging sanhi ng malalim na sugat at pait. Madali sa ilan sa atin na sundin ang mga pagbasa kung napapalibutan tayo ng mga kapamilyang bukas ang loob. Para sa ilan naman, tiyak na ang mga aral ngayon ay isang malaking pagsubok na isabuhay.

Kung tulad ka noong nasa huli, tandaan na hindi naman hinahangad ng Panginoon na gumawa tayo ng himala sa ating mga kapamilya. Siya mismo ang magpapalambot ng puso, aantig ng budhi, at magbibigay liwanag sa pang-unawa. Sinasabi ng Panginoon na huwag tayong magsawa kahit matigas ang puso ng ating mga kamag-anak, na patuloy tayong mag-abot ng ating kamay, kahit pa minsan ay sa panalangin lamang. Maaaring ngayon ay dasal muna, pagkatapos ay ang pakikipag-usap. Maaaring ngayon ay magalang na distansya, pagkatapos ay bukas na pakikipag-ugnayan. Tutulungan tayo ng Panginoong Hesus kung sasang-ayon tayo sa kanya.

MAGNILAY

May panahong hindi natin makasundo ang ating mga mahal sa buhay; bahagi iyan ng hiwaga ng pag-iral. Sa pamamagitan ng pananampalataya, pinalalakas ang loob nating patuloy na mag-abot ng pagmamahal at kabutihan. Kung ngayon, hindi mo mababago ang puso ng isang tao, manalangin nang taimtim na balang araw, magkaroon ng bukas na pintuan sa pagkakasundo.