IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
MAGPATAWAD AT LUMAYA
MT 18: 21-35
MENSAHE
Kagimbal-gimbal ang araw na iyon noong 2020 nang tatlong anak at isang pinsan mula sa Abdallah family ng Sydney, Australia, ang nasagasaan at namatay dahil sa isang lasing at naka-drogang driver. Madali sana sa pamilyang ito ang mag-isip ng paghihiganti, pagkasuklam, at pagkamuhi. Subalit nagulat ang lahat nang ipahayag nina Danny at Leila, mga magulang, na pinatatawad nila ang driver. Dinalaw pa ito ni Danny sa kulungan, iningatan laban sa banta ng ibang preso, at pinangakuan na susuportahan niya ito pagkalaya sa piitan.
Sa Mabuting Balita, inilalarawan ang buhay na walang pagpapatawad. Nagbubunga ito ng taong sakim, mapaghiganti, at galit sa mundo. Inilalarawan din ng Panginoong Hesukristo ang buhay ng mapagpatawad, na dala ng habag, ay lumalakas na magpatawad “pitumpung ulit na pito.” Ang nagpapatawad ay kinalulugdan at pinatatawad din ng Diyos sa sarili niyang mga kasalanan samantalang ang mapagkimkim ng galit ay haharap sa paghuhukom ng Diyos.
Ang hindi pagpapatawad ay isang pagka-alipin sa galit at sama ng loob. Nakapagpapalayas ito ng galak at sigla at nagtutulak sa tao sa madilim na sulok ng kapaitan. Kung may himutok sa pamilya, lahat ng miyembro ay apektado at hindi makalayo sa masaklap na karanasan. Ang magpasyang magpatawad naman ay tulong sa sarili mo, bagamat may krus na pasan mula sa nakalipas, mayroon namang dangal at kapayapaan.
Bakit kailangang magpatawad? Bukod sa mabuti ito sa isip at puso, inilalapit tayo nito sa Panginoon, ang ating mahabagin at mapagpatawad na Ama. Nais niyang tularan natin ang kanyang awa upang dito at sa kabilang buhay, maranasan natin ang paghilom, pagbabago, kapayapaan, at kagalakan. Bunga ng kapatawaran, ang driver ay naging isang Katoliko tulad ng Abdallah family at nagsimulang tumahak sa landas ng pagbabalik-loob sa Diyos, sa sarili, at sa lipunan.
MAGNILAY
Tama lang na aminin ang galit at ipahayag ito. Subalit kung mananatili tayo sa galit at sama ng loob, pinarurusahan natin hindi ang kaaway, kundi ang ating sarili, pati na ang ating mga mahal sa buhay. Ngayon, hilingin natin ang biyayang makapagpatawad sa nakasakit sa atin; hilingin natin ang biyaya ng Diyos na paghilom at kapayapaan.