Our Parish Priest
Gospel Reflections

Ika-33 Linggo ng Karaniwang Panahon A

English Read in English: 33rd Sunday in Ordinary Time A

WALANG ITINATANGI
MT 25; 14-15; 19-21

MENSAHE

Madalas na nating marinig na walang paborito ang Diyos. At ang Mabuting Balita ngayon ay patunay dito. Sa talinghaga, sinabi ng Panginong Hesus na lahat ng tauhan ay nakatanggap ng salapi… subalit ayon sa kakayahan ng bawat isa. Bagamat lahat ay kayang tumanggap ng kaloob, hindi lahat ay pantay ang kakayahang gamitin ang kaloob. Subalit ang Diyos ay walang itinatangi, at ipinamumudmod niya ang kanyang kabutihan sa lahat na walang kinakalimutan.

Dahil dito, walang dahilan upang umusbong ang inggit sa puso ng isang tao. Walang puwang dapat sa atin isip na lihim na asamin na mapasaatin ang ari-arian ng iba, na angkinin ang kanilang pinaghirapan, o kahit na ihambing ang ating sarili sa kanilang narating. Mas mainam kung pagmamasdan natin ang ating tinanggap na kaloob, pahalagahan ito at magpasalamat para dito. Ang pagtingin sa kapwa ay hindi dapat magdulot ng awa sa sarili o panghihinayang, kundi ng pasasalamat sa Diyos na nagbigay at ng paggalang sa kung ano ang tinanggap ng iba.

Subalit, lahat ng kaloob ay may kalakip na dahilan. Hindi ito upang itago o itabi sa sulok, o hangaan sa salaming luklukan. Ang kaloob ay dapat gamitin, pagyamanin, kalingain, at payabungin. Nais ng nagbigay ng kaloob na palaguin ang kaloob. Kaya nga, mapapansin sa Mabuting Balita ang galak ng may-ari nang lumapit ang tauhan at nagsabing pinadami niya ang salaping ipinagkatiwala sa kanya. Ganito ang inaasahan ng Panginoon sa atin.

Nakakalungkot lang na minsan kahit may tinanggap tayong biyaya ay mas nais pa nating magmukmok at magreklamo, mainggit at manibugho. Totoo, hindi perpekto ang buhay, subalit ang kakayahan nating baguhin ang buhay ay nasa atin, kung magiging malikhain lang tayo gamit ang mga kaloob sa atin na talent at lakas ng Panginoon.

MAGNILAY

Ngayong papalapit na ang katapusan ng taon, maging tapat sa sarili. May kaloob kang natanggap, maging talino o karisma, karunungan o galing, o kahali-halinang pagkatao. Magpasalamat palagi at maging handan na ibalik sa Panginoon ang maganda mong ginawa sa kanyang regalo sa iyo.