Home » Blog » IKA 31 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K

IKA 31 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K

KAPAG ANG DIYOS ANG PUMASOK SA PUSO
Ngayong Linggo, sa Ebanghelyo, pumasok si Hesus sa bahay ni Zaccheo na isang makasalanan at iniiwasan ng kanyang kapwa tao.
Ano ang kahulugan kapag “pumasok” si Hesus sa tahanan ng isang tao.
Una, kitang kita natin ang pananabik ng Diyos sa pagpasok na ito ni Hesus.  Plano niya ang pagdalaw na ito.  Gusto niyang gawin ang bagay na nakakagulat sa isang taong hindi nag aakala. Siguro inaasahan ni Zaccheo na tiyak kagagalitan siya ng Panginoon, sesermunan, sisitahin.  Pero hindi, eto at pumapasok na siya sa kanyang bahay.  Anong kaligayahan!  Anong laking biyaya!
Ikalawa, ang tahanan ay larawan lamang ng lalong mahalagang tahanan na nais pasukin ni Hesus – ang tahanan ng puso ng tao.  Naparito si Hesus kay Zaccheo upang makilala siyang lubos, makipag-kaibigan at buksan ang pintuan ng puso ni Zaccheo para asamin ang isang bagong buhay kasama ang Diyos.
Tagumpay si Hesus. Sa tuwa ni Zaccheo, ipamimigay niya ang kanyang kayamanan.  Ibabalik niya ang kanyang nakulimbat.  Magbabago na siya mula ngayon!
Sana hayaan nating pumasok si Hesus sa tahanan natin,  sa puso natin ngayon. At tulad ni Zaccheo, maranasan nating magsimula na ang ating kaligtasan.