UNANG LINGGO NG ADBIYENTO A
AKTIBONG PAGHIHINTAY ANG KAILANGAN
Grabe ang epekto ng bagyong Yolanda sa ating buhay. Sobrang dami ang namatay o nawawala at gayundin ang mga nasira sa paligid. Pero ang nakapagtataka, alam nating darating ang super-bagyo na ito. Hinintay natin ang darating na bagyo. May announcements sa media, may babala mula sa Pag-asa. Hindi kaya may sinasabi ito sa paraan ng paghihintay ng mga Pilipino?
Pagkatapos ng lahat, kailangan din nating aminin, minsan hindi tayo magaling maghintay. Paano ba maghintay ang mga Pilipino? Minsan hanggang sa kadulu-duluhang pagkakataon, saka lang tayo nababagabag o kumikilos.
Maraming tao ang lumilikas lamang kapag lulubog na sa baha ang bahay nila o kung nandiyan na sa katabing bahay ang sunog. Bawat barangay official ay sumasakit ang ulo sa page-evacuate sa mga tao pag may panganib dahil marami ang ayaw makinig at kumilos.
Ang tawag ng ebanghelyo: maging magaling at aktibo sa paghihintay. Sa paghihintay, “Magbantay kayo!” sabi ng Panginoon (Mt. 24: 42). Sa paghihintay, “maging handa kayong lagi” (v. 44) sa pagdating ng Panginoon, sa mahahalagang okasyon, sa anumang magaganap sa buhay.
Naghihintay ang mga Judyo sa kapayapaan sa unang pagbasa. Naghihintay ang mga Romano sa kalayaan ng katawan sa kasalanan at kadiliman. Samantala, ginagawa nila ang makakayanan upang maging mainam ang paghihintay.
Maghintay tayo nang magaling at maayos, nang aktibo at hindi nakatunganga lamang. Sa Adbiyentong ito, maghintay na may panalangin. Maghintay na may kapatiran sa kapwa. Maghintay na may pagbibigay sa mga nangangailangan sa atin. Maging makabuluhan sana ang inyong paghihintay sa Panginoon… at sa Paskong darating.