Home » Blog » PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOONG HESUKRISTO A

PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOONG HESUKRISTO A

ANG BETLEHEM AY BASBAS NG DIYOS
Muli akong nakarating sa Betlehem sa taong ito, ang aking pangalawang pagdalaw doon.  Bakit nais nating dalawin ang lugar na ito?  Bakit binabalik-balikan natin ito kahit sa gunita at diwa man lamang tuwing Pasko?
Kasi, ang Betlehem ay nangangahulugan ng pagbabasbas para sa atin. Itong “tahanan ng tinapay” ay umaapaw sa sustansang nakahanda para sa mga anak ng Diyos.  Sa Betlehem, lumalapit tayo sa Sanggol na pagpapala ng Ama sa daigdig, ang ating Panginoon at Manunubos.
Sa Paskong ito, hingin natin ang pagpapala ng Betlehem:
Hilingin natin na pagpalain ng Betlehem ang ating isip.  Maraming alalahanin, suliranin, problemang dapat harapin sa bawat araw. Tila sasabog ang isip sa bigat ng paglutas sa mga ito. Sanggol ng Betlehem, basbasan mo ang aking isip ng kapayapaan.
Hilingin natin na pagpalain ng Betlehem ang ating puso. Kahit ngayon, may mga takot sa loob ng puso.  May galit at hinanakit, may panghihinayang at sakit na nararamdaman. Ang dami nating gusto kahit hindi mabuti sa atin.  Sanggol ng Betlehem, basbasan mo ang aking puso ng kagalakan.
Hilingin natin na pagpalain ng Betlehem ang ating kamay. Gusto nating magtrabaho subalit walang mapasukan.  Kulang ang kita sa ating opisina at pabrika. Natutukso tuloy tayong gumawa ng masama.  Sanggol ng Betlehem, basbasan mo ang aking mga kamay ng katapatan at sipag.
Hilingin natin na pagpalain ng Betlehem ang ating mga paa. Marami sa atin ang walang direksyon, tila tumatanda na walang pinagkatandaan. Nang iwan tayo ng mga taong mahal, ng mga pinagtiwalaan, hindi natin makita kung paano tayo uusad sa buhay. Naguguluhan tayo bilang kabataan, bilang katandaan.  Saan ba talaga ang lugar natin?  Sanggol ng Betlehem, basbasan mo ang aking mga paa ng malinaw na layunin sa buhay.
Hilingin natin na pagpalain ng Betlehem ang ating buong katawan.  Lagi tayong naghahagilap ng pag-ibig.  Gustong magmahal at gustong mahalin. Minsan mapagbigay, minsan makasarili naman. Minsan walang suporta at pag-ganyak sa ating paligid.  Tila iniwan tayo at pinagtaksilan ng mga taong inaasahan nating magmamahal.  Sanggol ng Betlehem, basbasan mo ako at yakapin nang mahigpit ngayon. Nais kong madama ang iyong pagmamahal.
Nawa manatili ang Betlehem sa ating buhay araw-araw. Ito nawa ang maging takbuhan sa tuwing kailangan nating makaugnay ang Diyos na naging Kapatid natin sa ating pagiging tao.
Maligayang Pasko po sa inyong lahat!