KAPISTAHAN NG STO. NINO
TAMANG ARUGA
Tumitibok ang puso ni Hesus para sa mga bata at mga kabataan. Sila ang halimbawa ng kadakilaan. Ang kanilang kababaang-loob ay kahanga-hanga. “Kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. And sinumang nagpapakababa tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos.” (Mt. 18:3-4).
Pero paano ba talaga pahalagahan at arugain ang mga bata at kabataan ngayon? Hindi madaling gawain ito tulad noong dating panahon. Masalimuot ang proseso ng pagpapalaki sa mga kabataan ngayon. Balot sila ng teknolohiya at media. Minsan kailangan pang mag-seminar ang mga magulang para lang magtagumpay sa kanilang tungkulin sa mga anak nila!
Iyong ibang magulang hinahayaan lang ang mga anak na gawin ang anumang naisin nila. Nagmamasid lang sila at takot masabing nakikialam. Subalit dapat tandaan na kung may isang bagay na hindi pa buo sa kabataan, ito ay ang pag-iisip ng kinabukasan, ng bunga o resulta ng kanilang pasya o gawain. Ang alam lang ng bata ay ang ngayon, hindi ang magaganap sa bukas.
Kapag pinayagan lang sila mag-isa, para bang itinutulak natin sila sa bangin ng panghihinayang pagdating ng panahon. Dapat tayong matatanda sa kanila ang gumabay upang hamunin silang maisip kung ano ang naghihintay sa kanila sa mga pasya at gawain nila ngayon.
Mabuti na lang maraming magulang ang nakakatuklas na sa tamang gabay at disiplina, mas nalalaman ng mga kabataan ang kanilang kakayahan at ang kanilang limitasyon. Mahalagang malaya sila pero mahalaga din ang tamang paghubog sa kanilang puso at isip. Sa halip na bawian sila ng kalayaan, ang mga ginagabayan ng wasto ay lalong nagkakaroon ng tiyaga, malasakit, tamang pagtitimpi, paggalang sa sarili at kabutihang-loob.
Mismong ang Panginoong Hesus ay may isa lang tiyak na pangako sa mga taga-sunod niya at ito ay ang krus! Mahal niya ang mga bata at kabataan sa pusong nagbibigay ng parehong kalayaan at pananagutan. Dapat din nating akayin ang ating mga kabataan upang maging matapat na alagad ng Panginoon.
Ipagdasal natin ang mga pamilyang nag-aaruga ng kabataan ngayon upang mahikayat nila ang mga ito na abutin ang mga pangarap at maging responsible sa kanilang bawat kilos. Sana lahat ng pamilya ay maging responsible sa pagpapalaki ng responsableng mga Kristiyano at mamamayan. Tulungan nawa tayo ng Sto. Nino.