Home » Blog » IKATLONG LINGGO SA KUWARESMA – A

IKATLONG LINGGO SA KUWARESMA – A

ANG KAWANGGAWA O CHARITY SA KAPWA

Pagnilayan natin ang ikatlong disiplina ng kuwaresma – ang kawanggawa o paglilimos. Siguro, ang unang naiisip natin ngayon ay barya para sa pulubi o relief goods sa mga nasalanta.  Totoo ito ay kawanggawa pero kahit taong walang pananampalataya ay kayang gawin ito dala ng awa sa mga naghihirap.  Ang kawanggawa o paglilimos o charity na mula sa Kristiyanong pananampalataya ay may kakaibang hamon para sa atin.
Masdan natin ang Mabuting Balita ngayon (Juan 4) kung saan nagulat ang mga alagad na makita si Hesus na kausap ang isang babaeng Samaritana. Alam niyang makasalanan ito subalit binigyan niya ng pag-asa at bagong buhay. Inihayag niyang siya ang Mesiyas na hinihintay ng lahat (v. 26). At pagkatapos kinausap niya rin ang mga kapitbahay ng babae.
Nakakagulat ito kasi magkaaway ang mga Hudyo at Samaritano. Tapos, makasalanan ang babae at banal naman ang Panginoon. Bakit o paano nangyari ito?
Kitang-kita dito ang tunay na kawanggawa o charity ng Panginoon. Hindi lamang pagbibigay o pagtulong.  Naroon si Hesus para sa babaeng makasalanan at dayuhan dahil sa kanyang puso, sila’`y ay magkapatid sa iisang Diyos. Napakabuti ni Hesus sa babae dahil bahagi siya ng buhay niya!
Ito ang tunay na charity o kawanggawa!  Nagbibigay, tumutulong, nagbabahagi, nakikinig dahil tulad ni Hesus, para sa atin, ang taong mahirap o biktima o nagdurusa ay isang kapatid natin kay Kristo. Para sa isang Kristiyano, hindi maaaring mabuhay na hindi rin bahagi ng mas malaking pamilya ng Diyos.
Sa mundo ngayon, mas madaling ituring ang kapwa bilang kaaway na gumawa sa akin ng masama, o ka-kumpitensya na dapat labanan o dayuhan na dapat pag-suspetsyahan at iwasan. Madaling maging walang pakialam. At ganito tayo kasi feeling natin, hindi natin kaano-ano ang kapwa natin.
Ang charity ni Hesus ay nagpapahilom ng di pagkakapantay-pantay ng mundo at ng mga basag na ugnayan ng mga tao. Ganito tayo kamahal ng Diyos: nahabag siya sa atin kahit tayo ay makasalanan at namatay si Kristo para sa atin dahil minahal niya tayo bilang mga kapatid niya (Rom. 5:8-9).
Ngayong Kuwaresma, may mga tao ba na ayaw mong tingnan, o kausapin o makahalubilo o pag-isipan ng mabuti?  May mga tao ba na hinihiling ng Panginoon na patawarin mo at tanggapin na muli bilang kapatid sa iyong puso? Alam ng Panginoon hindi ito madali. Magdasal tayo at humingi ng lakas ng loob…