Home » Blog » IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY – A

IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY – A

ANG PAMILYA NG PASTOL
Isang bata ang naka-diskubre na siya pala ay ampon lamang. Subalit sa halip na magtampo siya, inisip niya kung gaano siya minahal ng kanyang mga magulang. Hanggang mamatay ang kanyang ama, hindi niya naramdaman na siya ay kakaiba. At ang kanyang ina din, hanggang ngayon ay patuloy ang pagmamahal sa kanya. Sa halip na magtampo, lalo siyang naging mapagpasalamat sa maganda niyang kapalaran.
Ang ikalawang pagbasa (1 Juan 3:1-2) ay nagsasaad na umaapaw ang pag-ibig ng Diyos kaya tayong lahat ay ginawa niyang mga anak: tayo ngayon ay anak ng Diyos…” kahit isinilang tayong malayo sa kanya, inampon niya tayo. Naganap ito dahil sa pagsusugo niya sa Panginoong Hesukristo bilang ating Tagapagligtas: “walang kaligtasan kaninuman maliban sa kanya…” na gumawa sa atin bilang mga kapatid niya at anak ng Ama.
Ang Salita ng Diyos ngayon ay nagpapatuloy ng kagalakan ng Pasko ng Pagkabuhay. Ang ating Muling Nabuhay na Panginoon ang nagbukas ng tahanan ng Ama para tayong lahat ay makapasok sa tulong ng Espiritu Santo.
Sa Ebanghelyo (Jn 10:11-18), binabanggit ng Panginoong Hesukristo na siya ang Mabuting Pastol. Pero kahit ang kawan ng tupa ay tila hindi naman niya itinuturing na mga alagang hayop lamang.  Sobrang pagiging malapit niya sa kanila.”kilala ko sila at kilala nila ako… ibibigay ko ang aking buhay para sa kanila.”  Pati ang mga tupa sa labas ng kawan ay mahal niya: “sila din ay aakayin ko, maririnig nila ang aking tinig at magiging isang kawan sila, sa ilalim ng isang pastol.”
Para pala sa Mabuting Pastol, ang kawan ang kanyang pamilya; siya ang puno at sila ang bahagi. Ginamit na larawan ay mga alagang hayop pero ang kahulugan ay ang pag-ibig ng Diyos sa mga taong kanyang inampon. Ipinararamdam ng Mabuting Pastol sa kawan na sila ay bahagi ng kanyang buhay at sila ay mahal niya bilang kanyang pamilya.
Sa tulong ng Muling Pagkabuhay, may bago na tayong kaugnayan sa Diyos. hindi galit at parusa, o pagtutuwid at pangaral, o taguan at hanapan. Hindi ganyan ang pamilyang mapagmahal. Sa halip, ito ay ugnayan ng malalim na pagkakaisa na gumagawa sa ating tunay na anak kahit tayo ay makasalanan lamang. Ito ay ugnayan ng walang sawang malasakit para sa ating lahat; ugnayan ng kagalakan dahil ang ating Pastol, ay kalakbay natin at nag-aakay sa ating tungo sa yakap ng Ama.
Tulad ng aking kaibigan, magsaya tayo dahil inampon tayo ng Ama sa pamamagitan ng Mabuting Pastol ng ating buhay.