IKALAWANG LINGGO SA PASKO NG PAGKABUHAY – LINGGO NG DIVINE MERCY
KAPAYAPAAN SA GITNA NG AWA NG DIYOS
Sabihin mo sa natatakot: Peace! Sabihin mo sa nalulungkot: Peace! Ibulong mo sa nagdurusa: Peace! Ihatid mo sa pagod at bugbog na: Peace!
Ito na ang pinakatamang mga salita, pinaka-nakalulugod na salita sa gitna ng mga pagsubok at kahirapan ng buhay. At ito ang mga pinaka-makapangyarihan at pinaka-banayad na salita ng Panginoong Jesukristo mula sa Kanyang Pagkabuhay. Ito rin ay mga epektibong salita dahil tuwing bibigkasin ni Jesus, nagdudulot ito ng kapahingahan at lakas ng loob.
Masdan mo kung paano bumalik ang saya sa mga apostol. Tingnan mo kung paano naliwanagan ang mga disipulo. Hayan si Tomas, na muling sumampalataya pagkatapos magduda. Ang kapayapaan ni Jesus ay epektibo, malakas at makapangyarihan. Ang kapayapaan ni Jesus ay regalo Niya sa atin ngayong Easter, regalong kailangang kailangan nating marinig at maranasan.
Ano ang sikreto ng regalong ito ng kapayapaan? Kasi po, ito ay nagmumula sa puso, sa mahabaging puso ni Jesus. Narito si Jesus upang patawarin ang mga naduwag na alagad. Narito Siya upang sabihing kakampi Niya silang muli. Narito Siya upang akayin sila mula sa pagtatago patungo sa pagharap sa mundo na may galak.
May kapayapaan kapag alam nating awa ang ibibigay sa atin kaysa galit, kapatawaran kaysa paghusga, pagyakap bilang kapatid kaysa dayuhan o kaaway, kapag tinawag tayo upang hawakan ang katawan ni Jesus at damahin ang kanyang pulso na dumadaloy sa ating balat, ugat, puso at kaluluwa.
Ngayon ay Linggo ng Divine Mercy o Dakilang Awa ng Diyos. An gating Diyos ay katarungan, oo, at pag-ibig, oo din. Subalit para sa ating mga makasalanan, Siya ay Awa – awa ng isang Ama, awa ng isang Kapatid, awa ng isang Kaibigan.
Ngayon din ang araw ng pagtatanghal sa dalawang bagong santo ng Simbahan, dalawang dating Santo Papa na nagpadama sa atin ng awa ng Diyos – si Pope John XXIII at si Pope John Paul II. Salamat sa Diyos sa dalawang taong ito nG ating kasaysayan.
Hilingin natin na punuin tayo ng kapayapaan ngayon upang maging kasangkapan tayo ni Kristong Muling Nabuhay ng kanyang kapayapaan at pag-asa sa mundong naghihintay.