Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN NI KRISTO, JUNE 22

DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN NI KRISTO, JUNE 22

ANG BANAL NA KOMUNYON
Bahagi ng karanasan ng bawat Katolikong nagsisimba ay ang pagtanggap ng Banal na Komunyon.  Kung ang pinakapuso ng pagsamba ng isang Protestante ay ang pakikinig sa pangaral ng pastor, at ang isang born-again naman ay ang praise and worship, tayong mga Katoliko ay naghihintay naman sa Komunyon.  Ano ba ang kahulugan ng Komunyon?  Bakit lumalapit tayo upang tanggapin ang ostiya, isang simpleng puting tinapay na wala namang lasa?  Ano ba talaga ito para sa atin? 
Sa ating Mabuting Balita, sinasabi ng Panginoon:  Ako ang Tinapay na nagmula sa langit.   Ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.  Sa ating pananampalataya, sa panahon ng Consecration, ang Espiritu Santo ay bumababa sa ating altar upang ang tinapay at alak ay gawing Katawan at Dugo ni Kristo. Sa panlabas ay tinapay at alak subalit ang katotohanan nito – iyan ang Panginoon.  Nakabatay sa Salita ng Diyos, inuulit ng pari ang pag-aalay ni Hesus:  Ito ang aking Katawan…ito ang Kalis ng aking Dugo.
Kapag tinanggap natin ang Katawan ni Kristo, nagkakaroon tayo ng isang malalim na ugnayan sa kanya.  Kaya tinatawag na Komunyon – mula sa salitang Union,  pakikipagkaisa.  Nakakaisa natin si Hesus sa ating puso at tayo naman ay naging kaisa ng kanyang buhay.  Sa ibang bansa, kapwa Tinapay at Alak ang tinatanggap. Subalit kahit Tinapay lamang, ito ay tanda pa rin ng Buong Katawan ng Panginoon.
Ganito kahalaga ang Komunyon para sa isang Katoliko.  Kaya nga, nakaluhod tayo sa bahagi ng Konsekrasyon.  Kaya nga nagpapakita tayo ng paggalang bago tumanggap ng Komunyon.  Sa pagpasok natin sa simbahan, lumuluhod tayo bilang pagsamba at pagbati sa Banal na Tinapay – ang Katawan ni Kristo sa tabernakulo. Kaya din, hindi tayo lumalapit kung alam nating may kasalanang mortal na hindi pa natin naikukumpisal.  Dahil ang kaharap natin sa Komunyon ay mismong ang Panginoon natin at Diyos.
Subalit ang Komunyon ay hindi lamang natatapos sa pagtanggap ng Katawan ni Kristo.  Dahil pagkatapos nating tanggapin ang Panginoon, tayo ay nagiging bahagi ng kanyang buhay.  We become what we eat.  Ikaw ay nagiging tulad ng iyong paboritong pagkain.  Kung buong puso mong tinatanggap ang Katawan ni Kristo, ikaw ay nagiging buhay na Katawan ni Kristo para sa iyong kapwa. 
Ang Komunyon ay hindi lamang pagkain ng isang munting tinapay.  Ito ay hudyat ng isang misyon sa simbahan.  Dapat mo ngayong patunayan na ikaw ay tumanggap kay Kristo, na ikaw ay naging bahagi ng Katawan ni Kristo.  Dito maraming bumabagsak na Kristiyano dahil bagamat tumatanggap ng Komunyon, wala namang nagaganap na pagbabago sa puso. 
Sa kapistahang ito ng Corpus Christi, sariwain natin ang kahulugan ng ating ginagawa linggu-linggo.  Tanggapin natin ang Panginoon nang buong puso at tanggapin natin ang ating misyon na maging tulad niya sa ating pakikitungo sa kapwa.