IKA-26 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
LAHAT TAYO’Y ANAK NA NAGKUKULANG
Gusto ng mga mag-asawa ngayon ang maliit na pamilya, isa o dalawang anak lamang. Pero may problema dito. Kung parehong maging mabait ang dalawang anak, maayos ang bunga. Kung isa lang ang lumaking mabait, tiyak may gulo na at kumpetisyon. At kung parehong lumaking suwail, kawawa ang mga magulang.
Sa Ebanghelyo, isinasaad ng Panginoong Hesus ang kwento ng amang may dalawang anak na lalaki. Iisipin agad natin na ang isa ay mabait at ang isa’y suwail. Subalit kung mamasdan, tila parehong suwail ang dalawa. Yung una, nangakong susunod pero hindi ginawa. Yung ikalawa, rebelde muna nga pero sumunod din naman. Kapwa sila nagbigay ng kalungkutan sa kanilang ama.
Ipinapakita ng Ebanghelyo kung paano natin isabuhay ang pagsunod sa Diyos. Sa pagsunod, walang perpekto, walang ganap sa pagtalima. Lahat tayo nagkukulang. Maramin ang nag-aakala na sumusunod sila dahil lamang tapat sila sa gawain nila sa simbahan. Sa puso naman, may pagtutol. Madaling sumunod kung may kapalit para sa atin. Tila tayo tumatalima pero hindi naman tapat sa ating puso.
Dahil tayo ay mahihina, ang landas na karapat-dapat tahakin ay ang landas ng rebeldeng anak na nagsisi at nagbago. Kahit pinapahirapan natin ang Panginoon, laging bukas ang pinto sa pagbabago. At kapag nagbago na, niyayakap natin ang paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.
Ang pinto para maunawaan natin ang pagkakamali at buhayin ang pagnanasang sumunod sa Diyos ay ang Sakramento ng Kumpisal. Napakalakas ng sakramentong ito bilang kasangkapan na magdadala sa pagsunod sa Diyos. Pag nagpapakumpisal ako sa mga kabataan, damang-dama ko ang kanilang paglaya at kaligayahan na sumunod sa Diyos.
Sa harap ng Diyos, tayo ay mga anak, na minsan nagkakamali. Hindi kasi madaling sumunod. Mas madaling magkunwari na susunod. Sana maunawaan natin na ang kaligayahan ay iyong sa pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Ama. Si Hesus ang ating modelo. Ipagdasal nating matutuhan nawa natin na paligayahin ang Diyos sa pamamagitan ng taos-pusong pagsunod sa kanyang kalooban.