Home » Blog » IKA-27 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A

IKA-27 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A

BAWASAN ANG PAGKABIGO SA MUNDO
Paano ba natin sinasaktan ang ating kapwa?  Minsan pisikal, minsan sa ating salita dahil masakit magsalita ang dila. Puwede rin sa isip, masaktan ang kapwa natin.  Pero ang pinakamatindi siguro ay sa emosyon – kapag binigo natin sila.
Mga magulang na nabibigo dahil sa kabila ng kanilang paghihirap, nagsasayang lang ng panahon ang anak na dapat ay nag-aaral.  Mga guro na nabibigo dahil sa kabila ng kanilang paghahanda, walang interes ang mga estudyante sa klase nila. Dahil nagtuturo ako sa seminaryo, madalas maramdaman ko ito sa mga tamad na kabataan ngayon.
Sa pagbasa ngayon kitang-kita natin ang sakit sa puso ng Diyos dahil sa katigasan ng puso ng tao.  Sa talinghaga ng Panginoong Hesus, ang may-ari ng ubasan ay paulit-ulit na tinanggihan ng kanyang mga tauhan hanggang patayin pa nga ang kanyang anak. Bilang tao, bilang mga anak ng Diyos, kaya talaga nating saktan ang loob ng ating Diyos.
Kaya nating saktan ang isa’t-isa kapag binibigo natin ang isa’t-isa. Kahit punong-puno ng pag-ibig sa tahanan natin, minsan ayaw nating ibalik o ibahagi ang ating pag-ibig. Kahit binibigyan tayo ng sobrang tiwala, minsan sinasayang natin ang ating pagkakataon sa buhay.  Binibigo natin ang isa’t-isa kung maramot tayo na ibalik ang mabuting ginawa sa atin ng iba.
Kaya nga tandaan natin na pati ang Diyos ay nabibigo din sa tuwing lumalayo tao sa kanya, sa tuwing inuulit natin ang gating mga kasalanan, sa tuwing hindi tayo nakikinig sa kanyang Salita at hindi tumatanggap ng kanyang mga Sakramento, sa tuwing nagpapanggap tayong Kristiyano pero hindi naman namumuhay bilang tunay na tagasunod ni Kristo.
Lumingon ka sa paligid mo at masdan mo kung gaano karami na ang nasaktan at nabigo.  Sa kabila niyan, umaapaw pa rin ang pag-ibig.  Dumadagdag ka ba sa kabiguan o sa pag-ibig sa kapaligiran?  Sa linggong ito, sikapin natin na huwag magdulot ng kabiguan sa Diyos at sa kapwa natin.