PAGBUBUNYI SA BANAL NA KRUS – SEPT 14
PUNO NG PAG-ASA SA KRUS
Ang buhay ay puno ng mga mahihirap na tanong. Nagtatanong ang isang matandang babae kung bakit kailangang siya pa ang sumuporta sa pamilya ng mga anak niyang may-asawa. Nagtatanong din ang isang batang biyuda kung bakit namatay agad ang kanyang asawa. Isang batang nurse ang bagamat maraming pera, ay nagtataka kung bakit wala pa siyang nobyo.
Ang sitwasyon ng buhay ay laging ganito – naliligid ng krus, ng pagdurusa at problema. Ibat-iba ang mga problema – sa katawan o sa isip o sa damdamin. Subalit bawat isa ay may krus. Bawat isa dumadaan sa pagdurusa dahil ito ay bahagi ng hiwaga ng buhay.
Ngayon, nagdiriwang tayo ng kakaibang pista – pista ng Krus. Kailangan bang ipagdiwang ang krus na sagisag ng dusa, mga problema at pasakit? Tila nakapagtataka yata. Subalit hindi basta-basta krus o pagdurusa lamang ang ating ipinagdiriwang. Nakatuon ang ating mga mata sa Krus ni Hesus – na nagpalit ng tagumpay sa halip na pagkatalo at ng buhay sa halip na kamatayan. Matapang na tinanggap ni Hesus and krus at winasak niya ang epekto nito sa pamamagitan ng pag-ibig ng Diyos.
Sa pistang ito, tinatawag tayong harapin ang ating mga krus sa tulong ng pananampalataya. Sa harap ng krus, 2 bagay ang nagaganap – mayroong nawawalan ng pag-asa at mayroong napupuno ng pag-asa. May mga tao na hindi makaharap sa problem ng buhay at nagiging duwag. Dahil sa krus ng buhay, tumitigil ang buhay at hindi na sila makakilos.
Subalit bilang Kristiyano, dapat nating harapin ang krus tulad ng Panginoon – puno ng pag-asa. Sa una, siya rin ay natakot at halos sumuko, subalit tinanggap niya ang krus, lumago siya dito at nagtagumpay siya dito, alam niya na lagi niyag kasama ang Ama. At sa huli, natamo niya ang muling Pagkabuhay.
Natural lamang na matakot tayo sa krus ng buhay. Subalit may biyaya sa mga humaharap sa krus na may pananalig at pagtitiwala sa Diyos. Habang nakatingin tayo sa krus ngayon, humingi tayo ng pag-asa na tayo din ay magtatagumpay. Amen.