Home » Blog » BAGONG TAON, MARIA INA NG DIYOS, B

BAGONG TAON, MARIA INA NG DIYOS, B


HIGIT PA SA PAPUTOK
Hindi kumpleto ang Bagong Taon natin kung walang paputok. Galing ito sa tradisyong Chinese; ang ingay at liwanag daw ang nagtataboy sa malas upang matira lamang ang buenas.
Kaya lang para sa ilan, ang natitira lamang pagkatapos ng putukan ay ilang mga daliring hindi naputol!
Ngayong Bagong Taon, hindi kuntento ang Diyos sa paputok lamang.  Ang gusto ng Panginoon ay pasabog! 
Naghahanda ang Diyos ng pasabog ng biyaya para sa iyo sa taong ito!  Hindi lamang buenas, hindi lamang tsamba… sa halip, biyaya, grasya, na umaapaw at nananatili sa lahat ng sandali.
Ihanda ang sarili sa pasabog na biyaya at buksan ang puso sa Diyos na nagdadala ng biyaya sa ating buhay.
Salubungin ang biyaya ng kapayapaan. Ito ang kailangan ng mundong nasa gitna ng giyera. Ito ang kailangan n gating bayang naghihikahos. Ito ang kailangan ng pamilyang watak-watak. Ito ang kailangang ng pusong naguguluhan.  Ang Diyos ang sanhi ng kapayapaang ito!
Salubunging ang biyaya ng pagmamahal: bumabaha ng pagmamahal tuwing Pasko pero kung pararangalan natin ang Diyos, buong taon at buong buhay natin ay mapupuno ng pagmamahal na magbibigay kulay sa atin.
Salubungin ang biyaya ng kaunlaran: para sa ating mga nagsisikap at nagtitiwala sa Diyos, may mga bagong pagkakataon, bagong tsansa, bagong paglago, bagong karanasan ng pagbibigay at pag-unlad mula sa Diyos.
Salubungin ang biyaya ng awa at habag: ito ang isang regalong hindi masasaid kailanman mula sa kamay ng Diyos. ang kanyang awa ay walang hanggan sa mga nagmamahal at sumusunod sa kanya. Sa pagdating ni Pope Francis, ito ang mensahe na nais nating marinig at ibahagi sa lahat.
Ihanda ang sarili para sa Diyos na kapiling nating sa bagong taon!  Dala niya ay hindi paputok lamang, kundi tunay na pasabog ng mga biyaya! Amen!