IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO – B
LAGI BANG MABUTI ANG MABUTING BALITA?
Sa Adbyento, inihahanda tayong makinig sa Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo. Pero ano ba talaga itong mabuting balita? Ito ba ay laging mabuti lang, kaaya-aya lang, madali at kumportableng balita?
Kasi sa gospel ngayon, kita naman natin na sa buhay ni Juan Bautista, ang Mabuting Balita ay hindi laging mabuti, at least, sa paraan na inaasahan natin itong maging mabuti o kaaya-aya. Ang mabuting balita ayon kay Juan ay hindi kumportableng balita.
Sa halip ang Mabuting Balita ay humahamong balita. Sinubukan ni Juan na hamunin ang mga nakikinig sa kanya na magbalik loob sa Diyos, lumayo sa kasalanan, tuntunin ang sentro ng kanilang puso. Hindi kaya madaling lumayo sa kasalanan at magbagong buhay, alam natin yan! Pero kung nais nating makilala ang Mesias na ipinangangaral ni Juan, minsan talaga, kahit masakit ay dapat nating tanggihan ang mga naglalayo sa atin sa piling ng Diyos.
Ang mabuting balita din ay nakakabagabag na balita. Hindi si Juan ang sentro ng kanyang sariling misyon. Itinuturo niya sa atin ang isang mas mataas, mas magaling, mas dapat sundan dahil punong puno siya ng Espiritu at may kapangyarihang magbahagi ng Espiritu. Si Hesus, na ipinapahayag ni Juan ang nag-aakay sa atin sa lalong malalim na hiwaga ng pag-ibig at ng paglilingkod. Akala natin pwede na tayong makuntento sa isang tulad ni Juan na magaling mangaral at manghikayat ng mga tao. Pero si Hesus ang talagang magtutulak sa atin na marating ang higit pa sa lahat ng bagay sa ating buhay espiritual. Sa pagsunod natin kay Hesus, yayanigin niya ang ating buhay upang lalo tayong maging banal at sapat sa Kaharian ng Ama.
Panginoon, ngayong Adbiyento, naway matanggap ko ang Mabuting Balita na humahamon at bumabagabag sa aking kalagayan ngayon tungo sa pagsuko at pagsunod kay Hesus na iyong Anak.