Home » Blog » KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO, B

KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO, B


PISTA NG TIWALA
Sa ating bansa, tinutuldukan ng kapistahang ito ng Santo Nino ang panahon ng Kapaskuhan.  Bagamat sinauna ang pistang ito, tila ito laging lumalakas at laging nagiging bago sa puso nating mga Katoliko.
Ang pagdiriwang ng Santo Nino, si Hesus bilang isang bata, ay pista ng tiwala, ng tiwala ng isang anak sa kanyang ama o magulang, ang tiwala na dapat nating dalhin sa ating puso kaugnay ng Diyos na tunay nating Ama.
Kapag may tiwala ka sa isang tao, palagi kang umaasa. Ang kapag natupad ang inaasahan mo, puno ka ng kagalakan.
Kapag may tiwala ka, kahit minsang masiphayo ang tiwala, patuloy kang kumakapit sa pag-asa na isang araw, tutuparin din ang pangako, magaganap din ang inaasahan.
Ito ang tiwala, ang lakas ng loob, na nakikita natin sa tuwing nakatitig tayo sa imahen ng Santo Nino. Ito ang tiwala na nais nating makamit sa ating puso.
Pero habang lumalaki tayo, tila nagiging masalimuot ang magtiwala. May mga taong nakikilala tayo na hindi maaasahan. Kailangang mag-ingat kapag may mga taong sumira na sa iyong pag-asa at winasak na ang iyong pananabik. Ilan sa atin ang hirap nang maniwala.  Ilan sa atin sumuko na sa pag-aalinlangan.
Paano nga ba magtiwala matapos ang kalunos-lunos na karanasan ng kadiliman, paghihirap, pagtataksil, pagsisinungaling, at pagtalikod, na naranasan natin sa kamay ng mga taong akala natin ay tutulong o magbibigay lakas?
Ang Santo Nino ang nagtuturo sa atin ngayon na sa kabila ng kahinaan ng mga tao na yumanig at nagpahina ng ating puso, meron pang puwedeng pagtiwalaan. Kaya pa nating magtiwala sa Isang tunay na maaasahan, sa Isang tunay na tumutupad ng kanyang mga pangako. Magtiwala tayo sa Diyos na ating Ama.
Panginoong Hesus, habang pinagninilayan namin ang iyong kabataan, bahaginan mo kami ng lakas ng loob na dulot ng iyong Ama.  Bigyan mo po kami ng dahilan upang magtiwala at umasa muli…

SALAMAT POPE FRANCIS, SA IYONG PAGDATING SA AMING BAYAN!