IKA-LIMANG LINGGO NG KUWARESMA, B
ANG TRIGONG NAMAMATAY
Isa sa pinakaseryosong panahon ng buhay ay kung kailan iniiisip mo ang iyong kamatayan. Hindi tayo handa para dito dahil ayaw nating pumasok sa hirap ng kawalan, pagdurusa, paghihiwalay, pagkalimot na tiyak na laan sa atin ng kamatayan.
Pero sino ba ang makakatakas sa kamatayan? Bawat araw, may maliliit na kamatayan tayong dinaranas tuwing magpapakita tayo ng pasensya sa isang taong malapit sa atin, tuwing maglilingkod sa isang may kailangan sa ating tulong, tuwing kakalimutan natin ang sarili para sa isang minamahal, at tuwing haharapin natin ang mga sorpresa ng ating buhay. Hindi nga tayo handang mamatay, pero ang Diyos mismo ang naghahanda sa atin sa tulong ng mga maliliit na kamatayan bawat araw.
Kaya ang tanong ay hindi paano takasan ang kamatayan kundi paano gawin itong makabuluhan. Sa Mabuting Balita (Jn 12: 20-33), inihalintulad ng Panginoong Hesus ang sarili sa isang butil ng trigo na nahuhulog sa lupa upang mamatay upang magbunga. Sa ikalawang pagbasa (Heb. 5: 7-9), mismong si Hesus ay nakipagbuno sa harap ng kanyang sariling kamatayan, tulad ng marami sa atin, sa harap ng mga araw-araw nating mga pagpapakasakit.
Pero ang butil ng trigo, kung hahayaan niyang dumaan sa proseso ng kamatayan ay magsisimulang maging bagong suhay, bagong sibol ng halaman at isang mabungang pananim. Si Hesus, nang hayaan niya ang sarili na maging tulad ng butil ng trigo, ay lumago sa pagtalima sa Ama at niluwalhati bilang tunay na Anak ng Diyos na buhay.
Sa unang pagbasa (Jer 31-31-34), pinaaalalahanan tayong may naghihintay sa atin kung handa tayong mamatay sa sarili kasama ni Kristo sa Kuwaresmang ito. Gagawa ang Diyos ng isang tipan, bago ng tipan, para sa atin. Magkakaroon ng bagong ugnayan sa Diyos na magmumula sa ating puso. Hayaan nating mahulog tayo sa lupa at mamatay kasama si Hesus upang maranasan natin ang bagong relasyong iniaalok niya sa atin.