PASKO NG MULING PAGKABUHAY, B
ANG UNANG SAKSI
Sa Pagkabuhay, ipinahahayag natin ang sentro ng ating pananampalataya – na si Hesus na ipinako sa krus at namatay ay buhay na muli! Aleluya! Kristiyano tayo dahil sa pananampalatayang ang Anak ng Diyos ay makapangyarihan laban sa kasalanan at kamatayan. Umaasa tayong magiging kaisa tayo ng kanyang tagumpay mula sa mga mapapait na karanasan ng ating paghihirap at dusa na kaakibat natin sa ating landas ng buhay.
Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, habang sinasariwa natin ang himalang ito, inaalala natin mula sa Mabuting Balita (Jn 20:1-9) ang isang nakakatuwang katotohanan. Nabuhay si Hesus at si Maria Magdalena ang unang saksi.
Ang daming puwedeng unang makakita sa kanya. Bakit hindi si Pedro at ang mga alagad? Bakit hindi ang mga Pariseo at eskriba upang maniwala sila? Bakit hindi ang mga Romano para magsisisi sila? Bakit hindi ang mga Hudyo upang mapawi ang pagdududa?
Pero kay Maria Magdalena, isang babaeng dating nasa kamay ng masasamang espiritu, nagpakita ang Panginoon. Bilang babae, walang saysay ang kanyang patotoo sa batas ng mga Hudyo. Bilang dating inaalihan ng demonyo, sino ang maniniwala sa kanya? Subalit bakit siya pinili ni Hesus na unang saksi ng kanyang maluwalhating katawang nabuhay na mag-uli?
Napapansin mo ba dito, na sa sandali pa lamang ng pinakadakilang himalang ito, ang pag-ibig ni Hesus para sa mga mahihina, mga mababang-loob, mga makasalanan, at mga pinakamaliit? Kahit sa Pagkabuhay, nagtiwala agad si Hesus sa mga taong walang maipagmamalaki, upang gawin silang kasangkapan ng pagpapahayag na siya ay buhay nga!
Mapagpakumbabang inamin ni Maria na kailangan niya si Hesus. Tanggap niya ang kanyang kawalang halaga. Kaya ginawa siyang mabisang saksi ng Panginoon. si Maria ay isang taong pinatawad at iniligtas, at dahil dito, lalo niyang naranasan sa kanyang buhay si Hesus, na ngayon ay ipapahayag niya bilang Nabuhay mula sa kamatayan.
Naranasan mo ba si Hesus sa iyong buhay lalo na nitong nakaraang Mahal na Araw? Inialay mo ba sa kanya ang iyong buhay tulad ng ginawa ni Maria? Batid mo bang siya ang iyong Tagapaglitas at Panginoon? Kung gayon, tulad ni Maria, ikaw ay kasangkapan ng Panginoon sa pagbabahagi ng himala ng kanyang pagmamahal.
Kahit sa Pagkabuhay, si Hesus ay pumipili ng mga hindi perpektong mga tao, para bigyan ng misyong ipahayag ang kanyang kapangyarihan at biyaya. Salamat Panginoong Hesus! Papuri sa iyong Muling Pagkabuhay! Aleluya!