Home » Blog » IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY, B

IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY, B


MGA KATANGIAN NG MABUTING PASTOL


Kalimitan iniisip nating ang mga pastol ay mga maaamong tagapag-alaga ng mga tupa. Siguro dahil ang unang tagpo na may pastol sa Mabuting Balita ay sa kuwento ng Pasko, kung saan nagpakita ang anghel sa mga pastol at dali-dali naman sumamba sa bagong silang na Sanggol ang mga pastol na ito.
Ngayong ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay, pinagninilayan natin ang larawan ng Mabuting Pastol (Juan 10: 11-18). Si Hesus ang Mabuting Pastol, at dahil sa mabuting dahilan din naman. Siya ang ganap na pastol ng kawan, na nagtataglay ng mga katangian upang alagaan at ipagtanggol ang kanyang mga tupa.
Unang-una, ang pastol ay dapat matapang at malakas. Hindi maaaring maging pastol ang lampa at mahina. Sa Lumang Tipan, sinabi ni David na bilang pastol, kailangan niyang pumatay ng mga leon. Sabi ni Hesus, may mga pastol na tumatakbo kapag dumating na ang mabangis na hayop. Hindi mabuti ang pastol na lumalayas upang unang ipagtanggol ang sarili kesa sa kapakanan ng kawan.
Si Hesus ang Mabuting pastol dahil alam niya kung paano ialay ang sariling buhay para mabuhay at managana ang kanyang mga alaga.
Subalit kailangan din na ang pastol ay banayad at mapagkalinga sa kawan. Kung matapang siya laban sa mababangis na hayop, malapit naman ang puso niya sa mga tupa niya.  Nakakagulat talaga pero totoong nakikinig ang mga tupa at sumusunod sa kanilang pastol. Parang natural lamang na alam ng tupa na ang pastol ang kanilang kaibigan.
Si Hesus ang Mabuting Pastol na umaakay sa tupa. Kilala niya ang mga tupa sa isang malalim at personal na paraan at ginagabayan niya ang bawat isa sa anumang pangangailangan nito.
Ngayon may mga pastol tayo sa katauhan ng mga namumuno sa simbahan, sa pamahalaan, at sa tahanan. Matapang ba ang ating pastol sa pagtatanggol sa kawan?  Banayad ba ang ating pastol sa pag-akay sa mga mahihina? Ipanalangin natin sa Panginoon na ipadala sa atin ang mga pastol na may katangiang tulad ni Hesus.