DAKILANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD, B
Taun-taon, dumarating tayo sa pistang ito na tumatawag sa atin na manahimik dahil marami sa atin ang takot na ipaliwanag o unawain ang Santissima Trinidad, ang Kabanal-banalang Sangtatlo.
Bilang mga Katoliko, kasama tayong naniniwala sa paninindigan ng lahat ng mga Kristiyano, na ang iisang Diyos ay Ama, Anak, at Espiritu Santo. Hindi siya iisang Diyos, tapos! Subalit, iisang Diyos sa Tatlong Persona ng pagka-Diyos na ipinahayag sa atin ni Hesus. Ganito rin natin nararanasan ang Diyos na buhay at makapangyarihang nakikipag-ugnayan sa atin – bilang Ama, Anak at Espiritu Santo.
Minsan nakikita ko sa tv ang isang preacher, si Quiboloy, na nanggagalaiti laban sa doktrina daw ng “Banal na Tatlo” o “Holy Three” ayon sa kanya. Wala daw nun sa Bible. Dito pa lang makikita natin ang pilipit niyang pag-iisip. Wala namang tunay na Kristiyano na nagsasabing may “Banal na Tatlo” o “Holy Three”! Tayo ay naniniwala sa Holy One, na ipinahayag ni Hesus. Ang Diyos ay Isa pero hindi nag-iisa dahil siya ang “pagkakaisa” ng Ama, Anak at Espiritu Santo. Kaya galit si Quiboloy dito sa Holy Trinity ay masisira ang kanyang pakay na tawagin, ituring at igalang bilang “appoined son” of God. Yun ang tunay na wala sa Bible, Mr. Quiboloy! Tama na para sa Ama ang “Only Son,” si Hesus kaya huwag ka nang magpanggap na bagong “anak” ng Diyos.
Sa pelikulang “The Reluctant Saint,” nag-uusap ang isang obispo at si San Jose Cupertino. Sabi ng obispo, hirap daw siyang unawain at ipaliwanag ang Trinity. Pero si San Jose mas simple ang kanyang pananaw. Kasi para sa kanya ang Trinity ay hindi doktrina kundi karanasan ng pagmamahal. Nasabi ng obispo na totoo nga na ang mga simple ang puso ang siyang nakakaunawa sa Trinity.
May doktrina tungkol sa Trinity, pero higit pa diyan, ang Trinity ay “pamilya” ng pagmamahal. Mauunawaan lamang natin ito kung magiging bahagi tayo ng pamilyang ito, kung bubuksan natin ang ating puso sa Ama, Anak at Espiritu Santo. At ngayong Linggo, narito tayo sa simbahan hindi upang busisiin ang isang mahirap na paksa. Narito tayo upang makibahagi sa pamilya ng Diyos. sabi ni San Pablo: ang lahat ng inaakay o ginagabayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos (Rom. 8:14).
Ang Diyos ay isa pero siya ay isang pamilya ng Tatlong Persona na nabubuklod sa pinakamataas na uri ng pagmamahal. Kung naniniwala tayo sa iisang Diyos na Ama, Anak at Espiritu Santo, kung bubuksan natin ang ating puso sa pag-ibig na ito, mararanasan natin na maging bahagi ng dakilang pamilyang ito.