IKA-16 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B
TAYO NAMAN ANG MAGING PASTOL
Nagulat ako sa napagmasdan ko sa isang college dorm isang araw ng Linggo ilang taon na ang nakalilipas. Late nagising ang mga estudyante at pupungas-pungas na nag-agahan. Pagkatapos nito, dahan dahan na silang naghanda para magsimba. Karamihan nagpunta sa ecumenical worship sa isang mall na nire-renta ng Campus Crusade for Christ. Doon ay may preaching, kantahan, banda, patotoo at personal na panalangin. Bawat isa may dalang Bible. Pati yung mga Katolikong estudyante doon na rin nagsisimba.
Tupang walang pastol, tupang gutom sa direksyon. Ito ang nakita ng Panginoong Hesus nang tingnan niya ang mga taong sumusunod sa kanya (Mk. 6: 30-34). Ngayon lalong halata ito sa buhay natin. Ang mga tao ay gutom at uhaw nga sa direksyon, paggabay, inspirasyon. At handa silang tumungo kung saan nila ito masusumpungan.
Ano ang ginagawa ng simbahan para dalhin ang mga tao sa Panginoon? hinihintay natin silang dumating? Pinatutulog natin sila sa tuyot na selebrasyon at walang kuwentang homily? Pinagagalitan natin ang mga taong nasa loob na nga ng simbahan dahil sa kanilang uri ng pamumuhay? Tila hindi ganito ang ugali ng Mabuting Pastol nating si Hesus. At hindi rin ganito ang dapat nating gawin. Kaya nga nagpupunta sa ibang grupo ng mga Kristiyano ang ating mga Katoliko.
Sabi ng Mabuting Balita, si Hesus ay nahabag – hindi nagalit – sa mga tao. At siya ay nanatili – hindi naghintay lamang – para turuan ang mga tao. Ang pag-ibig ni Hesus ang nagtulak sa kanya na maging kabahagi ng kawan.
Kakaunti nga ang ating mga pari at pagod na din sila sa dami ng gawain. Yung iba siyempre pagod sa kapo-post ng selfie sa FB (hehe)! Kaya nga dapat nating ipagdasal na magkaroon ng maraming mabubuti at mga banal na pari, madre, misyonero, at mga lider layko.
Pero dapat din nating malaman na tayong nakararami, kahit na simpleng mga Katoliko lamang, ay mga pastol din ng ating mga pamilya at mga kaibigan. Hamunin natin ang ating sarili na maging tulad ng Panginoong Hesus sa pag-akay sa mga tao sa ating paligid – sa pamamagitan ng tahimik na pagsasabuhay ng pananampalataya, mga nakakaganyak na pananalita, kilos na may pagmamahal, paanyaya sa iba na sumamba sa Diyos sa Misa at maging sa labas ng Misa. Nawa’y gamitin tayo ng Panginoon na maging pastol ng iba kung hindi man sa salita, ay lalo nawa sa gawa. Amen