Home » Blog » IKA-19 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B

IKA-19 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B

BAWAL ANG DEPRESSED


Kapag depressed ang tao, dalawang bagay ang karaniwang ginagawa nito. Iyong iba, ayaw kumain, gusto nang mamatay kasi mas madaling mamatay kaysa harapin ang buhay. Iyong iba naman, kain nang kain, pinupuno ang tiyan ng hamon, ice cream, tsokolate, alak o beer.
Parehong delikado ang mga gawain na ito. Iyong ayaw kumain ay nanghihina at nagkakasakit. Iyong kain nang kain naman ay panay junk food na walang sustansya ang kinakain kaya nagkakasakit din sa huli.
Si Elias ay isang depressed na tao sa unang pagbasa natin ngayon. Sa dami ng problema at alalahanin niya, tila hindi na niya kayang mabuhay pa. nahiga na lang siya ay naghintay ng kamatayan. Ayaw na niya kumain, ayaw na niya kumilos pa.
Pero ang Diyos ay eksperto sa puso ng tao. Alam niya ang bumabagabag sa atin ngayon. Walang sakit, walang paghihirap na lampas sa kanyang kaalaman. Ipinadala ng Panginoon ang kanyang anghel sa propeta upang palakasin ang loob nito. Bukod doon, nagpadala ng pagkain ang Panginoon upang makabawi si Elias ng lakas, motibasyon at tapang.
Marami sa atin ang tulad ni Elias na halos nakabaon na sa dami ng paghihirap ng buhay. Sa tingin natin, hindi natin makakayanan, kaya titigil na lang tayo. Mabuti pa kung patay na lang tayo. At iyong iba, halos patay na nga ang turing sa sarili nila.
Sa mga ganitong pagkakataon, dumarating sa Panginoon upang dalawin tayo at bigyan ng salitang nagpapalakas ng loob. Mas mahalaga, may dala ang Panginoon sa atin na pagkain. Ito ang pagkaing nagdudulot ng buhay na walang hanggan, ang pagkaing nagbibigay ng kahulugan sa ating buhay ngayon sa kabila ng mga pagsubok, ang pagkaing naghahanda sa atin para sa buo at ganap na buhay na naghihintay sa dulo ng ating paglalakbay.
Kailangan natin ang Pagkaing ito. Kailangan natin si Hesus, ang Tinapay ng Buhay. Kasama niya at tumatanggap sa kanya, kinakain ang kanyang Katawan at iniinom ang kanyang Dugo, hindi nga tayo mamamatay. Oo, hindi mamamatay ang ating mga pangarap. Hindi mamamatay ang ating kinabukasan. Hindi mamamatay ang ating pag-asa. Dahil buhay siya, mabubuhay din tayo at malalampasan ang anuman sa buhay na ito at sa kabila.
Kay ganda ng Mabuting Balita ngayon, nagpapaalala sa atin ng kayamanang nasa bawat Eukaristiya, sa bawat Misa. Habang tinatanggap natin si Hesus napupuno tayo ng bagong lakas tulad ni Elias. Nararating natin ang ating hantungan tulad nang narating ni Elias ang bundok ng Horeb.
Depressed ka ba? Tumungo kay Hesus at kumain ng Tinapay na dulot niya.