Home » Blog » IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

ANG MAPAGLARONG PUSO



Kapag tungkol sa puso ang usapan, marami agad ang kinikilig. Tingnan na lamang ninyo ang bagong kinagigiliwan ng lahat, ang love team na “AlDub” na mula sa isang aksidenteng pagtatagpo ng dalawang artista sa isang noon-time show. Ngayon sikat na sikat na sila sa tv, twitter, at Facebook. Iba talaga ang epekto ng puso sa ating lahat!
Sa Mabuting Balita ngayon, pinaaalalahanan tayo na hindi lamang pampa-kilig ang bumubukal sa puso. Itong simbolo ng pagmamahal at pagmamalasakit ay maaari din palang maging sanhi ng mga pangit na bagay na nagmumula sa isang tao: “masasamang isipang naguudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan” (Mt. 7: 21-23).
Habang ang mga Hudyo ay naniniwala na ang kalinisan ng puso ay galing sa pagtupad ng mga panlabas na ritwal, si Hesus naman ang nagbibigay pahalaga sa panloob na aspekto na tunay na nakaaapekto sa paglago ng isang tao. Maaari kang gumawa ng lahat ng ipinatutupad ng batas pero ang puso mo ay mananatili pa ring tigang at bato sa harap ng biyaya ng Diyos.
Sa unang pagbasa (Santiago 1:17ff) inilalarawan ang tunay na kailangan ng puso ng tao. Ito ay ang Salita ng Diyos. Kailangang tanggapin ang Salita upang magkaroon ng kaligtasan. Subalit tapat sa mensahe ni Santiago Apostol, sinasabi rin na dapat isabuhay, isagawa ang Salita at hindi lamang pakinggan ito.  Ang taong may dalisay na puso ay hindi lamang nagninilay sa Salita ng Diyos. sa halip, bumubukal mula sa kanya ang kabutihan at pagmamahal sa kapwa, lalo na sa higit na nangangailangan ng tulong niya.
Panginoon, nais kong mapalapit ang puso ko sa Iyo. Nais kong maging bukas ang puso ko para sa Iyo. Tulungan mo po akong makalaya pagiging makasarili upang masalubong ko ang Iyong Salita at matanggap ito. Pinakamahalaga, tulungan mo po akong kumilos ayon sa iyong Salita sa pagiging mabuti at matulungin at mahabagin sa mga nangangailangan ng aking pag-ibig at presensya ngayon. Amen.