Home » Blog » IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B

IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B

PAGHILOM SA GITNA NG LUHA


Isang bagay na ipinagdarasal natin ay ang paggaling o healing. Nagdarasal tayong gumaling ang mga mahal natin sa buhay, o maging ang ating sarili. Hipuin sana ng Diyos ang ating katawan at kaawaan tayo sa ating paghihirap sa banig ng karamdaman.
Sa unang pagbasa mula kay propeta Isaias, hinihimok niya ang mga tao sa tulong ng mga tanda ng paggaling habang malapit na silang umuwi sa sarili nilang bayan. Ang Diyos ang tunay na nagligtas at pinagaling niya ang mga bulag, bingi, pipi at lumpo. Hindi lamang tinutulungan ng Diyos ang buong bayan. Ang biyaya niya ay dumadapo sa bawat nilalang na naghihirap.
Sa Mabuting Balita, naawa si Hesus sa kalunos-lunos na sitwasyon ng lalaking bingi at pipi. Sa makapangyarihang pananalita: Mabuksan ka!, pinalaya ni Hesus ang lakas ng pandinig at ang lakas ng pagsasalita. Ipinagpapatuloy ni Hesus ang himala ang pagpapagaling na sinimulan ng Diyos sa Israel.
Ngayon, ito pa rin ang ating panalangin, ang pagpapagaling. At maraming nagaganap na paghilom sa paligid natin. Pero maraming pagkakataon din na inaasahan nating bubukas ang mga mata, makakarinig ang tenga, matutuwid ang dila, at lulundag ang pilay – subalit hindi ito nangyayari.
Kung tila mas malakas ang kanser, dengue, stroke, at mga virus kaysa ating mga pag-asa, hindi ibig sabihin na hindi makapangyarihan ang Diyos. sabi ng isang napakagandang awitin: paano kung ang pagpapala ay sa pamamagitan ng ulan, ang pagpapagaling sa pamamagitan ng luha, at ang makilalang malapit ka sa akin ay sa pamamagitan ng mga gabing walang tulog? Paano kung ang biyaya ay nakabalot sa pagsubok ng buhay?
May nagaganap na paghilom na nasa ilalim, hindi sa ibabaw. May pagbabago na lampas sa nakikita ng mata. Ang pananatili ng Diyos ay nasa kanyang tila pagkawala. Iyan ang pinakamagandang paghilom sa lahat, ang paghilom ng puso ng isip at kaluluwa, ang paghilom ng pananampalataya at tiwala sa Panginoon na nakababatid ng higit na mabuti at nagdadala sa atin doon.
Iyong pisikal na pagpapagaling ay maganda. Subalit ang espiritwal na pagpapagaling ay higit pa dito dahil ito ang nagbabago ng buhay. Ito ang dahilan na ang mga santo ay nakangiti sa gitna ng pait, nagtitiwala sa gitna ng kadiliman, naniniwala kahit walang makita.
Panginoon, hipuin mo po ako ng iyong paghilom. Ang aking katawan, ibsan ang sakit at ibalik sa dating sigla. Ang aking puso upang matagpuan ang kahulugan at galak at kapayapaan sa harap ng anumang makakatagpo ko sa buhay ngayon at araw-araw.