IKA-26 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B
PUTULIN MO!
Binibigyan tayo ng Mabuting Balita ngayon (Markos 9) ng tila nakatatawang larawan ng langit – isang lugar kung saan ang mga naroon ay mga may kapansanan. Sabi ni Hesus: kung nais mong pumasok sa buhay na walang hanggan (langit), putulin mo ang iyog mga kamay at mga paa, kung ito ang sanhi ng iyong pagkakasala dito sa lupa. Isipin mo na lang kung sa langit nga ang mga tao ay mga naka-saklay at naka-benda ang mga katawan, palukso-lukso dahil sa nawawalang mga bahagi ng katawan. Siyempre, isang larawan lamang ito pero may mas malalim na katotohanan ang mga salitang ito.
Sa kasaysayan ng Kristiyanismo, mula noon hanggang ngayon sa maraming mga bansa, ang mga tagasunod ng ating Panginoong Hesus – Katoliko man o Protestante, Ortodoso, o Pentecostal – ay ipinagpalit ang kanilang mga katawan kaysa wasakin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Ang mga martir na monghang Carmelites ng Compiegne sa France ay pinugutan ng ulo ng mga rebolusyonaryong galit sa simbahan. Ang mga martir ng Japan at Korea ay sinunog, tinadtad, hinila ng mga kabayo, ipinako, o dinaganan ng mabibigat na bato hanggang mamatay subalit hindi isinuko kaylanman ang kanilang pananampalataya. Ang mga martir ng Syria, Iraq, Ehipto, at iba pang lugar ngayon ay patuloy na nag-aalay ng sarili bilang handog sa Panginoon. Minsan, hihingin ng Panginoon ang kanyang mga salita ay talagang isabuhay nang literal.
Subalit para sa marami sa atin ngayon, ang hamon ay hindi pisikal kundi espiritwal. Isang malaking tunggalian ng mabuti at masama ang nagaganap sa harapan natin araw-araw. Walang tigil ang mga pagpipilian upang patuloy na ipamalas ang ating pananampalataya. Kapag nagkasala kasi tayo, hindi lamang ang ating mga sarili ang dala-dala natin kundi kaladkad din natin ang ating kapwa, tulad ng babala sa atin ng Panginoon sa Mabuting Balita ngayon.
Ang Kristiyano ay tinatawag na magiting na “putulin” ang anumang magiging sanhi ng kanya o ng kanyang kapwa upang madapa. Natural, ang pagputol na ito ay espiritwal at hindi pisikal, pero ito nga ang mas masakit at mas grabeng pagputol.
Kaya mo bang “putulin” ang iyong dila upang huwag itong makasakit ng kapwa sa pananalita? Kaya mo bang “putulin” ang iyong kamay upang hindi na ito kumuha ng hindi naman sa iyo? Kaya mo bang “putulin” ang iyong paa upang hindi ka na makarating sa mga lugar ng iyong bisyo? Kaya mo bang “dukutin” ang iyong mata upang hindi na ito magsawa sa website o pelikulang hindi disente? Kaya mo bang “putulin” ang iyong mataas na pride upang maunawaan mo ang iyong kapwa?
Pinalalala ng Panginoon ang larawan sa kanyang pagtuturo upang maramdaman natin ang bigat ng kanyang mensahe. Huwag nating balewalain ang mga salitang ito at sa halip ay mabilis na tumugon sa pamamagitan ng ating paglalapat ng mga ito sa ating buhay.