IKA-32 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B
ANG AKING DIYOS AY MAPAGBIGAY
Nagulat ka ba sa Mabuting Balita? Pinapansin ni Hesus ang ating pagbibigay! Naupo siya sa isang sulok ng templo upang tingnan ang mga tao habang nag-aalay ng kanilang yaman para sa gawain tungkol sa kaharian ng Diyos, tungkol sa misyon ng Panginoon.
Pero hind mahalaga kay Hesus kung “gaano kalaki” ang bigay nila. Sinisilip ni Hesus “kung paano” sila magbigay. Dahil dito, nakita niyang ang mga mayayaman ay nagbibigay dahil obligasyon o kaugalian nila ito, o para mapansin ng iba, o para patahimikin ang kanilang konsyensya, o para magmukhang mabuti sila pati sa kanilang sarili.
Dito niya hinangaan ang isang dukhang biyuda na napakaliit ng ibinahagi. Nakita ng Panginoon na ibinigay niya “ang lahat” ng kanyang ikabubuhay, dahil nagbigay siya mula sa puso. Hindi bilang tungkulin kundi bilang paninindigan na lahat ng meron siya ay regalo ng Diyos. Nagbigay siyang tahimik at hindi kapansin-pansin. Nagbahagi siya kahit masakit sa puso dahil ang perang iyon ang kanya sanang pagkain, kuryente, tubig, upa sa bahay. Pero payapa at masaya siya!
Bakit may mga taong tulad ng biyudang ito? Kung nakikilala natin ang Diyos bilang mapagbigay na Diyos – laging nagbibigay, nag-uumapaw kung magbigay – mapapamahal tayo sa ganitong Diyos. Dahil doon ang pagbibigay natin ay magiging malayang tugon sa kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos.
Suriin natin ang ating pagbibigay – sa simbahan, sa mahihirap, sa mabubuting gawain, sa pangangailangan ng pamayanan. Nararanasan ba natin ang Diyos bilang mapagbigay? Kinikilala ba natin na tayo ay nabibiyayaan? Naniniwala ba tayong kapag nagbigay ka, tatanggap ka ng higit pa?