IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B
TULOY PO KAYO, PANGINOON!
Ang mabuting balita ngayon na halos nasa dulo na ng ating kalendaryo, ay tungkol sa pagbabalik ni Hesus sa kaluwalhatian. Ang una niyang pagdating sa mundo ay payak at simple. ang ikalawa ay magiging hayagan, maringal, at makapangyarihan.
Maging mga Muslim ay naniniwala na si Hesus ang propetang magbabalik upang maging hudyat ng katapusan ng lahat. Kahit hindi sila naniniwalang si Hesus ay Diyos, si Hesus pa rin, hindi si Mohammad, o ibang propeta ang siyang magbabalik sa mundo. Nakakamangha di ba?
Sa marami sa atin, takot ang namamayani kapag naisip natin ang pagdating na ito ng Panginoon. Ayaw kasi natin ng katapusan. Ayaw nating matapos ang ating mga gawain, mga relasyon, mga plano. Gusto natin ay “forever” iyong walang katapusan, sabi nga ng Aldub.
Subalit para sa mga nagmamahal kay Hesus, ang pagdating niya ay hindi katatakutan kundi kagalakan. Kung magbabalik siya upang makipagtagpo sa atin, hindi ba dapat lang tayong magsaya? Hindi ba dapat lang itong paghandaan? Tiyak may mga bagay na magwawakas (“ang langit at lupa ay magwawakas”) subalit ang mga higit na mahalaga ay tiyak na mananatili (“ang aking mga salita ay hindi magwawakas”, Mk 13).
Kung alam nating darating si Hesus isang araw sa ating daigdig, nararapat lamang na magpundar tayo sa mga bagay na hindi mapapawi, sa mga bagay na tunay na importante. Nakasalig ka ba sa mga salita ng Panginoon kesa sa iyong sariling opinyon o sa mga sinasabi lang ng iba? Pag-ibig ba, at hindi poot o kawalang-pakialam, ang batayan ng iyong mga kilos?
Salubungin natin ang Panginoon nang buong galak!