Home » Blog » PAGNINILAY SA ARAW NG PASKO 2015

PAGNINILAY SA ARAW NG PASKO 2015

ITINAMA ANG NAGKAMALI



Naalala ba ninyo ito?: … and the winner is – Miss Colombia! …este Miss Philippines pala!
Kung may isang malaking pagkakamali na naging paksa ng usapan bago mag Pasko, ito ay ang paghahayag ng maling winner sa Ms universe 2015. Dapat Ms. Philippines, pero Ms. Colombia ang nabanggit. At dahil nga nagkamali, ilang minuto lamang at binawi ang korona sa gulat na gulat na Ms. Colombia at ipinatong sa ulo ng lalong gimbal na gimbal na Ms Philippines.
Ang buhay sa mundong ay kakambal ng pagkakamali. Natural na sa atin ang malito, madiskaril, magkamali.  Sino at ano ang walang pagkakamaling nagawa sa buhay niya?
Meron po kasing tinatawag na human error, ibig sabihin talagang pumapalpak minsan ang mga tao.
Meron ding natural error, halimbawa, kung may ipinanganak na kambing na dalawa ang ulo o manok na may tatlong paa. Pati sa science at technology, may random error, method error at instrument error kaya may mga gumuguhong building at nasusunog na appliances.
Sa mundong ito, sa buhay natin, kakambal ang pagkakamali.
Pero ang pinaka-grabeng pagkamali ay ang kasalanan. At dahil sa malaking pagkakamali na ito, ipinasya ng Diyos na gawin kung ano ang tama, na akayin tayo sa tama, na ibalik ang mga tao sa tama. Nangyari ang lahat ng ito nang isugo ng Panginoon ang kanyang Anak na si Hesus upang maging liwanag ng ating buhay.
Sabi sa unang pagbasa: “Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman, namanaag na ang liwanag sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.”
Sabi sa ikalawang pagbasa, pinagpala ng Diyos ang ating mundo: “Inihayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ito ang siyang umaakay sa atin upang talikdan ang likong pamumuhay at damdaming makalaman.”
Ngayong gabing ito, ginawa ng Diyos ang tama, ang pinakatama sa lahat ng bagay: ipinakita niya ang liwanag, inihayag niya ang biyaya, isinilang ang tagapagligtas:  sabi sa ebanghelyo: “Ito ang palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban.”
Kung babalikan natin ang ating buhay sa taong ito, hindi ba minsan nasasabi nating tila maraming nagaganap na mali sa ating buhay?  Maling-mali na natanggal ako sa trabaho. Maling-mali na ngayon pa ako nagkasakit. Malaking pagkakamali ang hidwaan at pagkakawatak ng ugnayan naming mag-asawa, magkaibigan o magka-opisina.  Mali na niloko ako at iniwanan ng aking pinatiwalaan.  Sa gitna ng mga pagkakamaling ito, naghahanap tayo ng susi na magdadala sa wasto at magbibigay ng pagtatama sa ating buhay.
Pero minsan, gumagamit ang Diyos ng mali upang lumutang ang tama. Dahil may naganap na mali sa buhay, naaalala natin ang Diyos. Dahil sa maling pangyayari, kumakapit tayo sa Panginoon. Dahil nagdurusa tayo sa pagkakamaling gawa ng iba, sinisikap nating bumagon at muling buuin ang ating buhay.
Ang Pasko ang paraan ng Diyos upang itama ang mali sa mundo natin. Itatama niya ang gusot sa hanapbuhay at trabaho. Itatama niya ang nawasak ng pag-aaway at alitan. Itatama niya ang nasira sa ating buhay dahilan sa ating kahinaan o dala ng ibang tao. Si Hesus ang tugon ng Diyos upang itama ang kamalian ng mundong ito.
Iyan ang tunay na kahulugan ni Hesus. Dahil sa Anak ng Diyos, maisasaayos natin ang ating kinabukasan. Kasama siya, may pagkakataong muling magsimula. Siya ang kapangyarihang nagbibigay ng inspirasyon sa ating buhay upang unti-unting bumangon at kumpunihin ang anumang nangangailanan ng pagtatama.
Madalas sa buhay hindi lang sa Ms. Universe, may pagkakamaling nagaganap. Pero hindi tayo mananatili sa mali dahil hindi ito ang kalooban ng Diyos. Puwede pang itama upang maging maayos at maaliwalas ang lahat. Mayroon tayong pag-asa. Mayroon tayong lakas ng loob. Mayroon tayong biyaya!
Pakinggan nating muli ang anghel: “Huwag kayong matakot! Akoy may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon.”