IKA-APAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K
ANG SIKRETO NG KAPAYAPAAN
Pag uwi sa Pilipinas ng kababayan nating si Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach, marami ang naghanda na salubungin at parangalan siya. Mahigpit ang security, inayos ang traffic at pati ang schedule niyang susundan. Sino ba naman ang hindi sabik na makaharap o makita man lang ang kagandahang nag-uwi ng korona matapos ang 42 taong paghihintay?
Ang Mabuting Balita ngayon ay isang pagbabalik-bayan din ni Hesus na sinimulan nating basahin mula pa noong isang linggo. At grabe din ang karanasan niya. Nahalina kay Hesus ang mga tao, puno ng paghanga at pagkamangha sa isang anak ng kanilang nayon. Pero ang kuwentong ito ay isang summary ng ilang ulit na pagbisita ni Hesus sa kanyang bayan, gayundin ang nag-iibang pananaw ng mga tao tungkol sa kanya.
Kung noong una ay paghanga, ngayon naman ang mga tao ay nagagalit na sa kanyang presensya at sa kanyang mensahe. Nagdududa na ang mga tao sa kanyang tunay na pinanggalingan. Mas interesado silang makita ang mga himala kaysa marinig ang kanyang pagtawag sa pagbabalik-loob. Sa huli, si Hesus ay hindi na tanggap sa lugar. Tinangka pa nga ng mga tao na patayin si Hesus, na ihulog siya sa bangin mula sa burol.
Paano kinaya ni Hesus ang ganitong pagsalungat? At ang mga susunod pang kabanata tulad nito? Hindi na kumportable ang mga Hudyo sa kanya.
Sa Mabuting Balita, sabi lamang: lumakad si Hesus sa gitna nila at umalis na. nakakagulat ang ganitong diwa ng pagiging kalma, payapa at katatagan na taglay ni Hesus. Sarado ang puso at isip ng mga tao, subalit tahimik lamang siyang naglakad papalayo sa bagong lugar, kung saan mas sabik ang mga tao sa kanya.
Ipinakikita sa atin ng Panginoon ang susi ng kapayapaan sa gitna ng unos. Ipinamalas niya sa atin ang tiwala at pagsuko sa Ama. Hindi siya nalito o nagulo dahil alam niyang ang Ama ang siyang nangangalaga at gumagabay sa kanya. Hindi mababahala ang kanyang misyon. Sinabi ito ni propeta Jeremias sa unang pagbasa (Jer 1: 4-5. 17-19): huwag maligalig dahil sa kanila dahil hindi ko hahayaan na magupo ka nila… lalabanan ka nila subalit hindi sila magwawagi, dahil kasama mo ako upang iligtas ka, sabi ng Panginoon.
Naliligalig ka ba ng mga problema ngayon? Naguguluhan ka ba at pinanghihinaan ng loob kapag may sigalot sa buhay? Hilingin natin sa Panginoon ang lakas na harapin anuman ang suliranin natin. Hilingin natin sa kanya na maging mapagtiwala sa Ama. Kapag nagdadasala ka, ugaliin mo na “ilaglag” sa harap ng Diyos anuman ang bumabagabag sa iyo. Iwanan mo iyan sa kanyang kamay at payapa mong gawin ang iyong gampanin sa araw-araw na taglay ang tiwala sa pag-ibig ng Ama.