Home » Blog » IKALAWANG LINGGO SA KUWARESMA K

IKALAWANG LINGGO SA KUWARESMA K

TUNAY NA MAGANDA

May isang titulo ang Mahal na Biren at iyan ang kagandahan. Tota pulchra es, Maria!  Ganap ang iyong kagandahan, O Maria!

Kung ganito ang kagandahan ni Maria dahil sa biyaya ng Diyos sa kanya bilang Ina ng Anak ng Diyos, e paano pa kaya ang Anak na iniluwal niya sa mundong ito? Mas maganda, walang hanggang mas maganda, dahil ito ang Anak ng Diyos na naging isang taong tulad natin.

Ito ang nakakagulat na kagandahan ni Hesus na nakita ng mga alagad sa bundok. Sa pagbabagong-anyo ni Hesus, nakita nila ang tunay na luningning, ang totoong karangalan, ang likas na busilak ng Panginoon na nakilala nila noon bilang isang ordinaryong tao lamang. Sa kanya ngayon, nabunyag ang tunay na kahulugan ng kagandahan.  Ang Diyos ang kagandahan at ang patunay nito ay ang nagbagong-anyo na si Hesus.

Ipinakikita ng Kuwaresma ang kagandahan ng Diyos ngayon dahil nais ipaalala sa atin na tayo din ay mga anak ng Diyos at dahil diyan, tayo din ay maganda sa kanyang paningin.  Hindi sa paraang tulad ng kay Hesus. Sa ating sariling paraan, tayo ay maganda sa Diyos.

Hind madaling tanggapin ito. Marami ang hindi mulat sa kanilang kagandahan kaya nasanay na silang mabuhay sa pangit na ugali, masamang gawi, at magaspang na katauhan. Meron din na hindi pansin ang kanilang kagandahan at ang hinahanap ay ang kagandahang nakikita nila sa mundong nakapalibot sa kanila.

Marami ang mas tutok sa kagandahang panlabas, na kay daling mawala, kaya nakakalimutan nila ang kagandahan ng puso at kaluluwa na galing sa Diyos. Kapag hindi natin pansin ang ating kagandahan sa mata ng Diyos, madaling lumayo sa Diyos dala ng kasalanan.

Ngayong Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng Panginoon na tingnan siya sa kanyang kagandahan at karangalan. Hindi upang mainggit sa kanya. Hindi upang hangaan siya. Sa halip, sinasabi niya sa atin na bumalik sa kagandahan ng ating tunay na pagkatao.  Ang Kuwaresma, na may alok sa atin na panalangin, sakripisyo at gawain ng pagmamahal, ay tutulong sa atin upang mabawi natin at mabuo natin ang kagandahang likas sa atin. Seryosohin natin ang paghahanap sa tunay na kagandahan.