Home » Blog » UNANG LINGGO SA KUWARESMA, K

UNANG LINGGO SA KUWARESMA, K

SAMAHAN MO AKO, PANGINOON

Sa pagpasok ng Kuwaresma, maraming larawan sa ating isip – abo, ayuno, mga bawal gawin, mga dapat gawin, mga dasal, mga rituwal.

Subalit sa Salita ng Diyos, ang una nating matatagpuan ay mga karanasan! Sa Deuteronomio 6, inilalahad ng sumulat ang personal at kakaibang karanasan na nakakapagpalubag-loob. Inaalala niya kung paano ipinakita ng Diyos ang kanyang kabutihan sa kanyang bayan sa gitna ng disyerto ng buhay.

Tinawag ng Diyos ang kanyang bayan at pinaunlad sila. Inilabas sila sa pagka-alipin at ginawang tagumpay. Binigyan sila ng lupa na matitirahan at bubungkalin.

Ang unang larawan ng Diyos ay bilang isang tagapagligtas na nagbubuhos ng pag-ibig at habag niya sa mga taong umaasa lamang sa kanya.

Sa Mabuting Balita, Lukas 4, ibinabalik tayo sa isa pang karanasan – ni Hesus sa disyerto! At eto ulit, malaking inspirasyon sa atin!  Palibot ang tukso, subalit nagtagumpay si Hesus bilang tagalupig ng takot at alinlangan. Sinuportahan at hindi siya iniwan ng Ama at ng Espiritu Santo sa bawat pagsubok.

Parang napakagandang alalahanin ang ating mga karanasan ngayong Kuwaresma. Ang ating mga disyerto!  Yung iba, nagsisimula pa lamang. Yung iba, nasa gitna na siguro. Yung iba, nawala na sa lawak ng disyerto at naghahagilap sa gitna ng dilim, ginaw, gutom at uhaw.

Isang lalaking naglilibot sa Maynila para makahanap ng trabaho. Isang babaeng matagal nang nag-aasam na gumaling sa sakit. Isang pari na labas-pasok sa ospital sa karamdamang hindi pa malaman. Isang babae at mga anak na naghihintay sa paglabas ng asawang drug pusher na nakakulong ngayon. Para tayong mga Israelita. Para tayong si Jesus. Mayroon tayong kanya-kanyang disyerto!

Ang Kuwaresma daw ay ang pagpasok natin sa disyerto ni Hesus upang maka-ugnay niya. Palagay ko, ang disyerto ay ang paglapit sa atin ni Hesus upang akbayan tayo at yakapin tayo at kunin ang ating kamay upang ipaalala sa atin na tayo ay mahal niya. At alam ng Diyos ang ating pinagdadaanan.  At matatapos din ito dahil hindi niya tayo iiwan o pababayaan.

Ang ganda ng Salmo ngayon (Salmo 9): samahan mo ako, Panginoon, sa aking kaguluhan.  Nais kong manahimik upang dasalin ito…