Home » Blog » DAKILANG AWA NG DIYOS: IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY

DAKILANG AWA NG DIYOS: IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY

–>

ISANG PUSO PARA KAY TOMAS

Naisip mo na ba kung ano ang nadama ni Tomas matapos magpakita si Hesus sa mga apostol, pero sa tanging paraan, bigla siyang nilapitan, kinausap at tinanggal ang kanyang pagdududa? Isang special na biyaya ang ibinigay ni Hesus nang pabayaan si Tomas mahipo ang kanyang mga sugat, mahawakan ang kanyang banal na katawan, makaniig ang Panginoon ng personal at buong habag.

Walang narinig na galit o babala. Walang sermon o pagtatama. Kaya tuloy muling nabuo sa puso ni Tomas ang matagal na niyang alam: Panginoon ko at Diyos ko!

Ano pa ba ang masasabi natin sa Linggong ito, Divine Mercy Sunday, Linggo ng Awa ng Diyos? Nasa natatanging Jubilee Year of Mercy tayo at kaliwa’t kanan, ang Papa, mga obispo, mga pari, mga lider natin, walang habas kung magsalita tungkol sa mercy, sa awa at habag ng Diyos, na para bang ang dali nitong ipamudmod, tanggapin o maranasan kaya.

Puwedeng nasa atin ang lahat ng aral tungkol sa mercy,  ang lahat ng dasal tungkol sa mercy, ang lahat ng programa patungkol sa mercy. 

Pero ang mercy o awa ng Diyos ay hindi naman paksa lamang na pag-uusapan, at least, kung si Hesus ang ating pagbabatayan. Ang Awa ng Diyos ay nasa gawa. Tulad ng paghahanap ng Panginoong Hesus kay Tomas para huwag siyang maligaw ng landas sa pagdududa, kalungkutan at takot, sakit at paghihirap ng loob.

Madaling sabihin na tayo ay isang simbahah o iglesiya ng awa pero kung may mga taong itinataboy tayo dahil makasalanan sila at hindi bagay kasama natin, tama ba iyon? Madaling magsalita ng mercy, mercy, mercy, pero hindi naman tayo umaalis sa ating mga palasyo para hanapin ang nangangailangan nito, ano iyun?  Puwede mong pagnilayan ang awa ng Diyos maghapon pero maaari mong isipin na ikaw lang ang may kailangan nito, at hindi mo ito kailangang ibahagi sa iba!

Meron bang mga tao na itinatakwil ang iyong puso? Meron bang iniiwasang makausap o makaharap? Meron bang mga tao doon sa labas, doon sa ulan, na wala kang pakialam lapitan at akayin pabalik sa puso mo?

Mas mabuti pa nga, tumigil na sa kasasalita ng mercy. Magdesisyon na lang tayo na maging mapagmahal, mapagpatawad, maawain tulad ng ginawa ni Hesus… hindi salita kundi kilos ng pagmamahal sa isang Tomas na nangangailangan nito.