DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGKABUHAY K
–>
SUPER HERO O ACTION HERO?
Ano ang pagkakaiba ng super hero at action hero? Pareho silang panalo, oo. Pero ang super hero ay panalo dahil hindi naman talaga siya nagagalusan dahil marami nga siyang powers. Walang kalaban ang kanyang katawan, maliban kung may isang pirasong cryptonitena dala ang kanyang kalaban.
Ang action hero ay panalo din, pero pagkatapos lamang na ang kanyang buong katawan ay maging bugbog, duguan, bali-bali dahil sa pahirap ng kaaway. Kaya sa huli ng pelikula, ang action hero ay hindi makatayo at pikit ang isang mata. Pero ang kanyang kaluluwa ay mas matibay at malakas kaysa dati.
Sa Pagkabuhay, si Hesus ay hindi isang super hero. Hindi niya natalo ang mga kaaway dahil sa super power. Hindi din siya naligtas sa kamatayan. Hindi siya ngayon malinis na malinis at walang galos o dumi man lamang.
Si Hesus ang action hero ng ating pananampalataya. Tinalo niya ang kaaway pero matapos lamang na pulbusin siya ng mga ito. Tunay siyang nagdugo, naghirap, nanghina at namatay. Akala nila tapos na siya. Pero ngayon, buhay siyang muli! At sa Pagkabuhay, naroon pa rin ang marka ng sakit, pahirap, at sugat.
Si Hesus ang Muling Nabuhay dahil siya ang Unang Nasugatan. Kung may mensahe man sa atin ang Pagkabuhay ito yun: kailangan tayong mamatay sa ating krus bago malasap ang Pagkabuhay mula sa libingan.
Parang isang flying trapeze sa circus. Lulundag muna siya mula sa napakataas na ere. Tapos bibitaw siya sa kinakapitang duyan. Tapos saka niya susunggaban ang isa pang duyan na magdadala sa kanya sa kabilang tuntungan sa ibabaw ng ere. Nakakapanindig balahibo ito. Tiyak na kamatayan ang kapalit. Pero kung hindi gagawin, hindi ka makatatawid sa kabila.
Si Hesus ay hindi super hero. Kung ganun lang siya, hindi natin siya masusundan kasi hindi naman tayo si superman o si wonder woman. Si Hesus ang action hero ng pananampalataya! Dumaan sa lahat ng paghihirap. Isinuko ang lahat sa Ama. Nagtiwala sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kaya nagwagi at nagtagumpay sa lahat. Ito ay kaya din nating gawin at maranasan dahil dumadaloy sa atin ngayon ang kapangyarihan niyang taglay.
Isang Pinagpalang Muling Pagkabuhay ni Kristo! Luwalhati at Papuri sa Iyo, Panginoon, bayani ng aming pananampalataya!