IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY, K
–> KUNG KAILANGAN MO NG KAPAYAPAAN
Akala natin ang kailangan natin ay “mas marami.” Mas maraming pera. Mas maraming gamit. Mas maraming narating. Akala natin sasaya tayo pag meron tayong mas marami.
Tapos nagugulat tayo na kapag meron na tayo ng mga tunay na kailangan natin, yung mas marami ay hindi sanhi ng kaligayahan. Minsan pa nga ito ang nagdudulot ng problema sa buhay.
Sa mundo ngayon, ang kailangan talaga natin ay kapayapaan. Oo, sa Middle East, sa magugulong lugar, sa mga banta ng terorismo. Pero higit pa diyan, sa ating puso, kapayapaan ng isip, puso at damdamin.
Tanggapin natin ang totoo: mula paggising hanggang pagtulog, hindi ba laging may umuukilkil sa isip natin, bumabagabag sa puso natin na isang libo’t isang pangamba at alalahanin? Para sa marami, ang laging kapiling natin ay takot. Takot dahil sa nakaraan na laging nagpapaalala sa atin na tayo ay nagkamali at palpak. O takot para sa kinabukasan, na hindi natin kayang kontrolin o labanan.
Ngayong Pagkabuhay, ang mensahe ay ang hinihintay ng ating puso. Iniaalay ni Jesus ang kanyang kapayapaan. “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo… Huwak kayong mabagabag o matakot” (Jn 14: 27). Lagi nating naririnig ito sa Misa pero walang oras para mapagnilayan. Alam ng Panginoong Hesus ang tambak na problema at paghihirap natin, ang mga masakit na sugat at daing natin, ang kalungkutan at luha natin, na araw-araw nating dala-dala. At ang regalo niya ngayong Pagkabuhay ay kapayapaan!
Paano makakamit ang kapayapaan? Sabi ng Panginoon (v. 26) darating ang Espiritu Santo upang turuan tayo at paalalahanan tayo. Tuturuan niya tayo ng hindi natin alam. Ipapaalala niya sa atin ang ating nakalimutan na. Ituturo niya at ipapaalala niya sa atin na “magtiwala” muli sa Diyos.
Darating ang kapayapaan kung matututuhan nating magtiwala. Hindi madali ito sa marami kasi naranasan na nating masira ang tiwala dahil sa gawa ng iba. Darating ang kapayapaan kung maaalala nating magtiwala muli. Hindi madali ito ngayong kumplikado na ang buhay, kumpara noong simple lang ang lahat; pero kailangan nating mabawi ang dating tiwala natin sa Diyos.
Magkaroon nawa tayo ng kapayapaan ngayon at palagian, na nagmumula hindi sa mga materyal na yaman o sa mga taong kinakapitan, kundi mula sa pagtitiwala kay Hesus na nagmamahal. Ipagkatiwala mo sa kapatawaran ng Diyos ang naganap na sa nakaraan. Ipagkatiwala mo sa kabutihan ng Diyos ang mangyayari sa kinabukasan. Pero ngayon, magtiwala ka sa Panginoon nang buong-buo mong buhay! Darating ang Espiritu Santo ng kapayapaan!